No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Anti-competitive practices, isa sa mga dahilan ng inflation ayon sa isang eksperto

BAGUIO CITY (PIA) -- Tinalakay ng isang eksperto ang isa sa mga dahilan ng inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
 
Ayon kay Renz Venielle Lamayo, Assistant Professor ng Department of Economics and Political Science, University of the Philippines Baguio, ang mga anti-competitive practices o 'pandaraya' ng ilang negosyante ang isa sa mga dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Tinalakay ni Assistant Professor Renz Venielle Lamayo ang kaugnayan ng kompetisyon at inflation sa June 2023 Inflation and Consumer Price Index Dissemination Forum noong Hulyo 25, 2023.

Aniya, ang mga anti-competitive practices ay maaaring magresulta ng panandaliang pagtaas ng presyo o permanenteng pagtaas ng presyo na makaaapekto sa mga konsyumer at ibang producers.
 
"Ang consequence kasi ng anti-competitive practices ng mga negosyante at ng mga businesses ay pagtaas ng presyo. At 'yung pagtaas ng presyo na 'yun, maaari ring ma-embed doon sa ekonomiya which can result to permanently high prices," paliwanag ni Lamayo.
 
Bukod dito ay nakahahadlang aniya sa pag-unlad at inobasyon ang anti-competitive markets.

Kabilang sa mga anti-competitive practices ay ang price fixing o ang pagkakasundo ng mga negosyante upang magtakda ng presyo ng kanilang mga produkto; output limitation o paglimita sa production level o pagtatakda ng quota sa mga produkto; market sharing o pagkakasundo ng mga negosyante na hindi makikikompetensiya sa bawat isa, o sa pangkalahatan ay cartelization.
 
Binigyang-diin ni Lamayo na bagama't ang kadalasang pinag-uusapan ay ang mga macro sources ng inflation, kailangang ding magtulungan ang pamahalaan at ang komunidad laban sa mga anti-competitive practices ng mga negosyante at mga kumpanya.
 
"If competition is ensured, we can be assured that there will be fair prices. It can promote development and innovation, and help minimize the risk of inflation," giit ni Lamayo.
 
Sa June 2023 Inflation and Consumer Price Index Dissemination Forum kamakailan, ang inflation rate sa Cordillera noong Hunyo ay 3.2%, mas mababa kung ikukumpara sa 3.9% noong Mayo 2023, at sa 7.5% noong Hunyo 2022. (DEG-PIA CAR)

About the Author

Jamie Joie Malingan

Regional Editor

CAR

Feedback / Comment

Get in touch