Ipinapakita ni Kei Manguerra ng CDRRMO sa dalawang miyembro ng PWD ng Brgy. Bayanan 2 kung saang bahagi ng katawan maaaring hilutin ang biktima para magkaroon ng malay sa isinagawang Basic Life Support Seminar na ginanap sa Barangay Hall kamakailan. (Kuhang larawan ni Dennis Nebrejo/PIA Oriental Mindoro)
LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Bilang pagtatapos ng pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month noong buwan ng Hulyo, isinagawa ang Basic Life Support Orientation Seminar ng mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction ang Management Office (CDRRMO) sa mga opisyales at kasapi ng samahan ng may kapansanan sa Barangay Bayanan 2 noong Hulyo 31, 2023.
Dumalo ang nasa 43 Persons with Disabilities (PWD) ng nasabing barangay na siyang pinagkalooban ng libreng pag-aaral tungkol sa tamang pangangasiwa sa pagliligtas ng buhay at dagdag kaalaman sakaling maganap ang isang sitwasyon na kung saan naroon sila sa pinangyarihan at nangangailangan ng tamang lunas sa isang taong nalunod, nahirapan huminga o mayroong bagay na bumara sa daluyan ng hangin sa katawan.
Inatasan ni CDRRMO Chief Dennis Escosora sina Kei Manguerra at Arvin Maligon ang pagtuturo ng mga tamang pamamaraan ng pagligtas ng buhay at nakatakda na rin ibahagi ang susunod na pag-aaral tungkol naman sa pagsasagawa ng paunang lunas o first aid sa mga susunod na araw sa buwan ng Agosto. (DN/PIA MIMAROPA - Oriental Mindoro)