(Photo credit: Meralco)
LUNGSOD QUEZON (PIA) – Maaaring makakuha ng discount sa electric bill ang mga benipisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps na sinisilbihan ng Meralco.
Nagsama sama ang Department of Energy (DOE), Energy Regulatory Commission (ERC), Department of Social Welfare and Development at ang Meralco upang makabuo ng pamantayan para makakuha ng diskwento sa bayarin sa kuryente ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng 4Ps.
Sa ilalim ng Lifeline Rate Program, ang benepisyaryo ng 4Ps na may katibayan na namumuhay living below poverty threshold, at kumukonsumo ng 100kWh pababa kada buwan, ay maaaring mag-apply sa Lifeline Rate program sa Meralco.
Para mag-apply, pumunta sa pinakamalapit na Meralco Business Center sa inyong lugar at dalhin ang mga sumusunod na requirements:
- 4Ps IDs o, kung hindi 4Ps, anumang valid ID at Local SWDO certificate na ikaw ay living below poverty threshold
- Latest Meralco Bill
- Accomplished Lifeline Rate Application Form
Makatatanggap ng 100 porsiyentong discount ang mga konsyumer na gumagamit ng 0 hanggang 20 kWh kuryente buwan-buwan.
Ang mga konsyumer naman na gumagamit ng 21 hanggang 50 kWh kuryente ay makakukuha ng 50 porsiyentong diskwento, habang may 35 porsiyento para sa 51 hanggang 70 kWh, at 20 porsiyento naman sa mga 71 hanggang 100 kWh ang konsumo.
Ang Lifeline rate ay ang subsidized rate na ibinibigay sa mga kwalipikadong konsyumer na walang kakayahang magbayad ng kanilang kabuuang bill ng kuryente. Ito ay alinsunod sa R.A. 11552 na nagpalawig at nagpahusay sa Lifeline Rate ng R.A. 9136.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang: https://company.meralco.com.ph/news.../lifeline-rate-faqs
(PIA-NCR)