No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

NHCP, pinangunahan ang turn over ng Punta Diamante sa Diocese ng Sorsogon

LUNGSOD NG SORSOGON, Sorsogon (PIA)--Pormal ng nai-turn over ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang renovated na Punta Diamante sa Bulusan, Sorsogon noong ika-26 ng Hulyo. 

Ang Punta Diamante kung saan matatagpuan ang  sinaunang kampanaryo ay isa sa mga ipinagmamalaking ‘tourist attractions’ sa Bulusan dahil sa ‘historical value’ nito at pagiging isang cultural heritage site. Maituturing itong yaman ng mga Buluseño na pamana ng kasaysayan.

Nilagdaan ni NHCP Chairman Dr. Emmanuel Franco Calairo at ng Most Rev. Jose Allan V. Dialogo, D.D., Obispo ng Roman Catholic Diocese of Sorsogon, ang turn-over documents. Nagsilbing saksi si Bulusan Mayor Michael G. Guysayko, NHCP Finance and Administration Division Chief Ms. Rosario V. Sapitan at Rev. Joel A. Bilan, Jr., Parish Priest ng St. James the Greater Parish.

Nagbigay ng mensahe si NHCP Chairman Calairo bago nilagdaan ang turn-over documents. Nagbigay din ng mensahe si Bishop Dialogo matapos pormal na tanggapin ang naibalik na lugar sa Diocese.


Ang lumang kampanaryo sa Bulusan ay ang pinakamalaki sa apat na ‘watch towers’ na yari sa bato (Baluartes de Piedra) na nag u-ugnay sa Punta Diamante, ang batong ‘fort’ o adobeng pader na nakapaligid sa simbahan at sa rektoryo ng parokya.

Isinagawa ang konstruksyon nito noon pang 1760,  taon kung saan inilipat ang bayan ng Bulusan sa kasalukuyan nitong lokasyon.

Noong 1799 ay nakatayo na ang mala-Intramuros na pader sa Bulusan. Naitatag ang Bulusan bilang isang parroquia noong 1630 at bilang isang pueblo civil noong 1630 sa ilalim pa noon ng lalawigan ng Albay.

Photo via National Historical Commission of the Philippines fb page

Noong panahon ng Moro piracy, ang Bulusan ang may pinakamaraming Baluartes de Piedra sa bahaging ito ng bansa.

Ang matandang kampanaryo ang pinakamalaki na tinatawag noon ng mga ninunong Buluseño na Los Sietes de Piedra – isang ‘chain’ o dugtong-dugtong na baluartes na nakadisenyo bilang isang ‘warning system’ kapag may natatanaw na dumarating na barkong Moro.

Nagsilbi ring ‘refugee center’ ang Punta Diamante sa mga pag-atake ng mga piratang Moro.

Ang NHCP ay inatasang itaguyod at pangalagaan ang makasaysayang pamana ng Pilipinas sa pamamagitan ng pananaliksik at paglalathala, pag-iingat, pagmamarka ng mga makasaysayang pook at istruktura, at pangangasiwa ng mga pambansang dambana at museo.(MBA/PIASorsogon)

About the Author

Marivic Aringo

Job Order

Region 5

Feedback / Comment

Get in touch