No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Programang ‘Sa TESDA, Lingap ay Maaasahan Caravan,’ inilunsad sa Pola

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Kasabay ng paglulunsad ni First Lady Liza Araneta-Marcos ng programang ‘LAB for ALL’ sa mamamayan ng Pola, inilunsad din ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Mimaropa sa pamumuno ni Sec. Suharto T. Mangudadatu, Ph.D., ang ‘Sa TESDA, Lingap ay Maaasahan’ Caravan na ginanap sa Pola Central School noong Agosto 1, 2023.

Nagbigay ng mensahe si TESDA Sec. Suharto Mangudadatu sa paglulunsad ng programang ‘Sa TESDA, Lingap ay Maaasahan Caravan’ kasabay ng pamamahagi ng mga starter tool kits at pagtatanghal ng mga produktong gawa ng mga scholars mula sa 110 TESDA accredited schools. (Larawan kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-Mimaropa/Oriental Mindoro)

“Iprinisinta ko noong Hulyo 11 sa ginanap na pagpupulong ng gabinete ni Pangulong Bongbong Marcos na sa aking pamumuno ay may mga programa akong inilaan para sa TESDA. Isa sa aking isinusulong ay ang ‘Devolution Program’ na kung saan sa programang ito ay ating ide-devolve ay ang mga National Certificate o NC 1 courses. Nais ng ahensiya na ihatid sa mga barangay ang programa partikular sa mga katutubo at ito ay pangangasiwaan ng mga Punongbayan at Punonglalawigan,” sinabi ni Mangudadatu sa kanyang mensahe.


Dagdag pa ng kalihim, magkakaroon ng mga training centers sa bawat munisipalidad at makikita dito ang mga kuwalipikadong scholars na may sapat na kakayahan upang magpatuloy sa susunod na kurso o NC 3.

Sa puntong ito, ang mga lokal na pamahalaan o gobernador ng lalawigan ang magrerekomenda sa TESDA kung maaari bang ang isang indibidwal ay makakuha ng scholarship program at pagkakataong makaangat sa susunod na kurso na may kaakibat na starter tool kit.

Nakiisa rin sa nasabing okasyon sina TESDA OIC Regional Director Zoraida V. Amper, Oriental Mindoro OIC Provincial Director Joey Aclan at Occidental Mindoro Provincial Director Rosalina P. Reyes. (DN/PIA MIMAROPA - Oriental Mindoro)

About the Author

Dennis Nebrejo

Writer

Region 4B

Public Information Assistant

Philippine Information Agency

2nd Flr. George Teng Bldg., JP Rizal St., cor. Gozar St., Brgy. Camilmil Calapan City

Email : dennis.nebrejo@pia.gov.ph

Feedback / Comment

Get in touch