No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Oportunidad, pag-asa hatid ng job fair sa ika-74 na anibersaryo ng Ipil

IPIL, Zamboanga Sibugay, Agosto 03 (PIA) – Sa nakaraang pagdiriwang ng ika-74 anibersaryo ng bayan ng Ipil, isa sa mga tampok na aktibidad ay ang dalawang araw na Job Fair. Layunin nitong matulungan ang mga naghahanap ng trabaho sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga oportunidad sa loob ng bayan at maging sa ibang bansa.

Nagsanib-pwersa ang lokal na pamahalaan ng Ipil kasama ang PESO at Department of Labor and Employment- Zamboanga Sibugay upang organisahin ang nasabing job fair. Layunin nito ay pag-ugnayin ang mga talentadong manggagawa sa Ipil, pati na rin sa buong probinsya mula sa iba't ibang mga kumpanya. Nag-alok ang job fair ng mga oportunidad sa iba't ibang industriya tulad ng pinansyal at retail. 

Ang job fair ay nagbigay din ng oportunidad para sa mga nagnanais na magtrabaho sa ibang bansa. 

"Nag-imbita kami at nakipag-ugnayan sa iba't ibang mga kumpanya upang makatulong sa mga naghahanap ng trabaho, at may ilan pa nga na agad na natanggap sa mismong araw ng aktibidad. Ang job fair na ito ay nagaganap lamang sa mga espesyal na okasyon tulad ng Araw ng Ipil, Araw ng Sibugay, fiesta, at higit sa lahat tuwing Labor Day, kaya naman dinadagsa ito ng ating mga kababayan," sabi ni G. Franz Nico L. Reyes, Labor and Employment Officer III ng DOLE Zamboanga Sibugay.

Ang job fair ay nagtala ng kabuuang 1,190 rehistradong aplikante. Nasa 78 ang agad na natanggap sa mismong araw na iyon at isa sa kanila si Marliza Mendez, na nagpahayag ng kanyang taos-pusong pasasalamat.

"Nagpapasalamat ako ng marami sa Diyos dahil pinakinggan niya ang aking mga panalangin, at sa Gaisano Grand Group, PESO Ipil, at DOLE na naging instrumento upang mabigyan ako ng oportunidad na magtrabaho. Walang pagsidlan ang kaligayahan ko noong mga panahong iyon, at hanggang ngayon, sana patuloy pa rin akong pagpalain ng Diyos sa aking paglalakbay at pati na rin sa mga taong tumulong sa akin," aniya. 

Isa rin sa mga matagumpay na aplikante sa araw na iyon ay si Reynan Colaljo na mula sa Naga, Zamboanga Sibugay na nagpahayag din ng pasasalamat sa agarang pagtanggap sa kanya sa trabaho.

"Nagpapasalamat ako ng lubos sa ating Panginoon dahil hindi niya ako iniwan. Anim kaming magkakapatid, at malaki ang tulong na ito para sa amin. Hindi ko inaasahang matatanggap ako dahil ang iniisip ko lamang ay subukan at tingnan kung may pag-asang makapasok. Talagang hindi ko inaasahan na ako ay pipiliin sa gitna ng maraming nag-aplay," pahayag ni Colaljo.

Ang kahalagahan ng job fair na ito ay hindi nagtatapos sa dalawang araw na kaganapan. Ipinakita nito ang dedikasyon ng LGU sa pag-suporta sa paglago ng ekonomiya at pagtulong sa mga indibidwal na makahanap ng magandang trabaho. Nagbigay ito ng pagkakataon sa mga tao na maipamalas ang kanilang potensyal at makakuha ng trabaho na akma sa kanilang mga kakayahan at interes.

Ang dedikasyon ng LGU sa kapakanan ng kanilang mga residente ay malinaw na nakita sa mabusising pagplano ng job fair na ito. Ang layunin nito ay hindi lamang mai-ugnay ang mga naghahanap ng trabaho sa mga kumpanya kundi pati na rin ang pagbibigay daan sa mga residente upang magtagumpay sa pandaigdigang antas.

Sa pagdiriwang ng ika-74 anibersaryo ng Ipil, naramdaman ang bagong pag-asa. Ang job fair ay naging isang simbolo ng pag-unlad, kung saan nagkakatotoo ang mga pangarap ng komunidad sa makabuluhang paraan. (RVC/RBI/PIA9-Zamboanga Sibugay)

About the Author

Jocelyn Alvarez

Writer

Region 9

Information Center Manager of Zamboanga Sibugay Province

Feedback / Comment

Get in touch