No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Pamamahagi ng food packs sa mga katutubo ng San Jose, tampok

Maituturing na buwis-buhay ang isinagawang pamamahagi ng food packs para sa mga katutubo ng mga kawaning tila nakalimutan ang sarling kaligtasan para lamang makapaglingkod. (Larawan mula sa PSWDO Occidental Mindoro)

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) – Nakapukaw ng pansin at iniulat ng ilang national media outlets ang isinagawang pamamahagi ng food packs kamakailan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) sa mga katutubo ng Sitio Danlog, Barangay (Brgy.) Monteclaro, San Jose.

Ang nasabing paghahatid ng 115 food packs sa mga Indigenous People (IP) ay kailangang itawidsa pamamagitan ng improvised zipline o kable sa Ilog ng Amnay sa gitna ng malakas na agos dulot ng pag-ulan hatid ng Bagyong Egay. Itinampok ng PSDWO sa kanilang social media page ang mga larawan ng mismong pagtatawid ng food packs.

Ayon kay PSWDO Head Rosalina Lamocca, ilang araw na walang natatanggap na tulong ang mga naapektuhang katutubo sa Sitio Danlog simula nang manalasa ang Bagyong Egay sa bansa. Ayon kay Lamocca, ang inihatid nilang food packs galing Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kauna-unahang ayuda na natanggap ng mga ito.

Ayon naman kay Provincial Agriculturist Alrizza Zubiri, ang nasabing zipline ay itinayo ng Department of Agriculture (DA) upang maihatid ang mga produkto ng mga IPs ng Brgy. Manoot, Rizal at iba pang kalapit na tribu. Ang isang dulo ay malapit sa pamayanan ng mga katutubo sa mataas na bahagi ng Brgy. Manoot, habang ang kabilang dulo naman ay malapit sa kalsada, kung saan kinukuha ng sasakyan ang kalakal ng mga IPs at dinadala sa kabayanan.

Sinabi ni San Jose Municipal Agriculturist Romel Calingasan na malaking tulong ang dating tramline sa mga IPs. Bukod sa mas mabilis na naihahatid ang mga kalakal, naiiwasan ng mga katutubo na tumawid ng ilog na mapanganib lalo na kung masama ang panahon. Dahil na rin sa nagdaang mga kalamidad ay nasira ang tramline at hindi na muling naitayo pa.

Maituturing na buwis-buhay ang ilang tagpo sa nabanggit na pamamahagi na iniulat ng ilang pangunahing national news programs. Ang paghila sa kable, lulan ang ilang kawani ng pamahalaan at mga foodpacks ay larawang kadalasang makikita lamang sa pelikula. Matagumpay namang nakarating ang mga foodpacks sa mga katutubo ng Sitio Danlog at ligtas ding nakabalik ang mga kawaning handang maglingkod anumang oras. (VND/PIA MIMAROPA - Occidental Mindoro)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch