No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

P2-M halaga ng ayuda naipamahagi ng DSWD sa Nueva Ecija

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) -- Humigit kumulang P2 milyon halaga ng tulong ang naipamahagi na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Nueva Ecija sa mga naapektuhan ng Habagat na hinatak ng mga bagyong Egay at Falcon.
 
Ito ay mula sa pinagsamang halaga ng mga ipinagkaloob na relief goods at financial assistance.
 
Ayon kay DSWD Nueva Ecija Provincial Social Marketing Officer Christer Carandang, tuloy-tuloy pa rin ang relief distribution sa mga lugar o lokal na pamahalaan na humiling ng relief augmentation mula sa ahensiya.
 
Batay sa talaan ng tanggapan ay nasa 88 barangay sa lalawigan ang naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad na umabot sa 16,942 pamilya ang nasalanta, katumbas ang 61,843 na mga indibidwal. 
 
Kaniya ring binanggit na handang tumulong ang ahensiya sa mga kababayan na nasiraan ng bahay dahil pa rin sa kamakailang pag-uulan.
 
Binanggit ni Carandang na mula sa isinagawang assessment ng mga lokal na pamahalaan ay umabot sa 226 na bahay ang naitalang partially damaged na kung saan ang 211 ay mula sa bayan ng Carranglan, 11 naman sa bayan ng Cuyapo at apat sa Nampicuan.
 
17 naman aniya ang totally damaged na bahay na kung saan ang lahat ay mula sa bayan ng Carranglan. 
 
Paglilinaw ni Carandang, bukod pa rito ang nasa 28 pamilya na nasiraan at nawalan ng tirahan dahil sa pagguho ng dalisdis na kinatitirikan ng kanilang mga bahay sa bayan ng San Leonardo.
 
Sila naman ay agad na nakatanggap ng family food pack, hygiene kit, sleeping kit, family kit, kitchen kit at modular tent mula sa DSWD. 
 
Samantala, mayroon ding Emergency Shelter Assistance program na ipinagkakaloob ang ahensya na ibinabatay rekomendasyon ng mga lokal na pamahalaan at kailangang tulong ng benepisyaryo. 
 
Paalala ni Carandang, bukas ang tanggapan ng mga Local Social Welfare and Development Office sa bawat munisipyo at siyudad para sa mga nangangailangan ng tulong lalo na sa panahong may kalamidad. 
 
Lagi naman aniya nakagayak ang ahensiya upang tumulong sa mga pangangailangan ng mga lokal na pamahalaan sa paghahatid ng ayuda sa mga nasasakupang mamamayan. (CLJD/CCN-PIA 3)

Naghatid agad ng tulong ang Department of Social Welfare and Development Regional Office 3 sa kabuuang 28 pamilyang nasiraan ng tirahan sa bayan ng San Leonardo sa Nueva Ecija dahil sa pagguho ng lupa dulot ng pananalasa ng Habagat na hinatak ng bagyong Egay. Kabilang sa mga ipinamahagi ang food pack, hygiene kit, sleeping kit, family kit, kitchen kit at modular tent. (DSWD Region 3)

About the Author

Camille Nagaño

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch