LUCENA CITY (PIA) — Mas makabuluhang pagdiriwang ng Niyogyugan Festival ang pangako ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon ngayong taon dahil pinagsamang pagsusulong ng turismo at pagtulong sa mga magniniyog ang itatampok sa selebrasyon.
Sa programang Kapihan sa PIA Quezon nitong Miyerkules, Agosto 2, sinabi ni Quezon Provincial Tourism Officer Nesler Almagro na kakaiba ang selebrasyon ng Niyogyugan Festival ngayong taon dahil angkop sa prayoridad ni Gov. Angelina "Helen" Tan at naka-sentro sa kagalingan ng magniniyog ang mga itatampok na aktibidad.
Aniya, bukod sa pagsusulong ng agri-tourism sa lalawigan, pinaka-sentro ng selebrasyon ang pagbuo sa Niyogyugan Foundation para matulungan ang mga magniniyog na mapaunlad ang kanilang kabuhayan at pamilya.
Dagdag pa ni Almagro, lahat ng kikitain sa mga aktibidad ng pagdiriwang ay mapupunta sa ilulunsad na foundation na gagamitin para sa scholarship ng mga anak ng magniniyog at pagbuo ng iba pang mga programa upang mapalakas ang sektor ng pagniniyog sa lalawigan.
"Ang laging pinapangako ni Governor Helen Tan that Niyugniyogan should advocate for coconut farmers. And this foundation, lahat ng proceeds or kikitain during the festival ay will automatically be donated to the Niyugniyogan foundation," ani Almagro.
"This foundation will facilitate all the priograms para sa mga coconut farmers like scholarship ng mga magniniyog at additional capacitation program to modernize, professionalize coconut farming in Quezon province," dagdag nito.
Magkakaroon rin aniya ng coco summit na lalahukan ng mga magniniyog mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan kung saan pag-uusapan ang mga programa para higit na mapaunlad ang industriya ng pagniniyugan.
Nakatakdang simulan sa darating na Miyerkules, ika-9 ng Agosto ang muling pagdiriwang ng Niyogyugan Festival matapos ang mahigit tatlong taong pagkakatigil ng pisikal na selebrasyon nito dahil sa nagdaang pandemya.
Tampok sa selebrasyon ang mga agri-tourism booths kung saan mabibili ang mga lokal na produkto na karaniwang gawa sa niyog.
Ilan din sa mga aktibidad sa Niyogyugan Festival ang Cocolympics, Kalusugan sa Niyogyugan, Ginoo at Binibining Niyogyugan, at iba pang kompetisyon kagaya ng Coco Zumba Dance, Declamation and Oratorical, Float and Streetdancing, Dance Showdown at iba pa.
Samantala, hinihikayat naman ni Almagro ang mga Quezonian na makilahok sa pagdiriwang at buong pagmamalaking ipakita ang ganda, galing, talino, at mga produkto ng lalawigan ng Quezon.
Ang Niyogyugan Festival ay ipinagdiriwang sa Quezon tuwing buwan ng Agosto. Tinaguriang "Mother of All Festivals sa Quezon," ang taunang pagdiriwang ay umani na ng pagkilala sa mga karatig-lalawigan kaya isa na ito sa itinuturing ng Department of Tourism na pangunahing festivals sa bansa.
Ang Niyugyogan ay pinagsamang salita ng "niyog" dahil pagniniyog ang pangunahing ikinabubuhay ng malaking porsyento ng mga taga-Quezon at "yugyugan" na ibig sabihin ay pagsasayaw. (Ruel Orinday-PIA Quezon)