No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

PBBM tiniyak ang pagtulong sa mga nasalanta sa lalawigan ng Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) – Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagtulong ng pamahalaang nasyonal sa mga nasalanta ng mga nagdaang kalamidad sa Bulacan.
 
Personal na pinangasiwaan ng Pangulo ang pagpupulong kasama ang mga pinuno ng iba't ibang kagawaran ng pamahalaan at mga punong ehekutibo sa lalawigan hinggil sa pagtalakay sa kasalukuyang sitwasyon at mga naging epekto ng pag-ulan dulot ng habagat at mga bagyong Egay at Falcon.
 
Ipinahayag dito ng Pangulo na tuloy-tuloy ang paghahatid ng tulong partikular sa mga hinihiling ng mga lokal na pamahalaan na pangangailangang sa mga nasasakupang lokalidad.
 
Prayoridad ng pamahalaan na sa panahon ng kalamidad ay agad na makapagbigay ng mga inisyal na tulong tulad ng food packs, relief goods, tubig, lugar na masisilungan at iba pa.
 
Ayon kay Marcos, pagkatapos ng paghahatid ng mga inisyal na tulong ay susunod nang ibibigay ng pamahalaan ang mga tulong pinansiyal bilang tugon sa iba pang mga gastusin ng mga pamilyang apektado ng kalamidad.
 
Isa pa sa mga tinitignan ng gobyerno sa kasalukuyan ay ang mga naging sira sa mga ari-arian tulad sa mga tirahan na tututukan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at National Housing Authority.
 
Pahayag ni Marcos, pinag-aaralan na ng DHSUD ang paraan ng pagbibigay ng tulong sa mga nasiraan ng bahay tulad kung magbibigay ng construction materials o ng tulong pinansyal sa mga benepisyaryo.
 
Sa oras aniya na maayos na ang kalagayan ng mga nasalanta ng kalamidad ay kinakailangang mabigyang pansin na ang pagkakaroon ng agaran at permanenteng solusyon sa pagbaha. 
 
Bilang inisyal na pagtugon dito ay kailangan ang pagsasagawa ng dredging upang mapahupa ang tubig baha, samantalang water impoundment at flood control naman ang nakikitang pangmatagalang solusyon nang hindi na maulit ang nangyaring matinding pagbaha sa lalawigan.

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang idinaos na situation briefing hinggil sa naging epekto at kasalukuyang sitwasyon ng mga bayan at siyudad sa lalawigan ng Bulacan na matinding naapektuhan ng mga nagdaang pag-ulan dahil sa habagat at mga bagyong Egay at Falcon. (PCO)

Sinabi ni Marcos na sa pamamagitan ng pagkakaroon ng water impounding system ay hindi lamang iniipon ang tubig para makaiwas sa pagbaha kundi makakatulong din ito upang mayroong magamit na tubig sa mga irigasyon sa panahon ng tag-araw.
 
“Napakalaking krisis ang tubig para sa akin, kaya ang ginawa namin ay naglagay ako ng Office of Water Management sa ilalim ng Office of the President. Sa Congress naman, humingi ako ng bill na creating the Department of Water Management,” dagdag na pahayag ng Pangulo.
 
SIla aniya ang tututok sa mga usaping may kaugnayan sa tubig tulad ang pangangailangan ng fresh water supply, irigasyon, flood control at iba pa. 
 
Kaugnay sa isinagawang pagpupulong ay iniulat ni Gobernador Daniel Fernando na umabot na sa 296,426 pamilya o humigit 1.08 milyong katao ang naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad, na kung saan anim na indibidwal ang naitalang nasawi sa buong lalawigan. 
 
Humigit P244.41 milyon naman ang naitalang sira sa agrikultura mula sa mga taniman ng palay, gulay, at mais, gayundin sa mga palaisdaan, samantalang P24.26 milyon ang naging pinsala sa livestock at poultry. 
 
Ibinalita rin ni Fernando na umabot na sa P500 milyon ang naging sira sa imprastraktura sa lalawigan. 
 
Bago natapos ang programa ay pinangunahan din ng Pangulo ang pagkakaloob ng tulong pinansyal sa pamahalaang panlalawigan; sa mga pamahalaang bayan ng San Miguel, Hagonoy, Pulilan, San Rafael, San Ildefonso, Bustos, Paombong, Calumpit, Bulakan, Angat at Obando; at sa mga pamahalaang lungsod ng Malolos at Meycauayan. 
 
Ipinahayag ni Marcos na patuloy maaasahan ang tulong ng pamahalaang nasyonal upang mapabuti ang kalagayan ng mga mamamayan at mga lokalidad na naapektuhan ng mga kalamidad. (CLJD/CCN-PIA 3) 

About the Author

Camille Nagaño

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch