LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Nagsimula nang manungkulan si Arnel P. Abrina bilang bagong Provincial Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) sa Palawan matapos na pormal itong manumpa kay Vice Governor Leoncio N. Ola sa regular na sesyon ng Pamahalaang Panlalawigan ngayong Agosto 8, 2023.
Sa nasabing sesyon ng konseho ay isinumite ni Abrina ang kaniyang mga dokumento na nagpapatunay na siya ang napili ng mga kapwa nito katutubo upang umupo bilang bagong IPMR. Kasama sa mga dokumentong ito ang Certificate of Affirmation (COA) mula sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).
Si Abrina na mula sa tribong Cuyonon at residente ng bayan ng El Nido ang nagwagi sa isinagawang selection process na pinangasiwaan ng NCIP at dinaluhan ng mga verified selectors o barangay IPMRs mula sa bahaging norte ng lalawigan noong Hunyo 30, 2023.
Papalitan ni Abrina si dating IPMR Purita J. Seguritan na nagmula sa Tribong Palaw’an na nagtapos ang termino noong Pebrero 2023.
Matapos ang kanyang panunumpa na sinaksihan ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ay opisyal na rin itong lumahok sa regular na sesyon ng konseho bilang Ex-Officio Member.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan niya ang lahat ng miyembro ng konseho sa mainit na pagtanggap sa kaniya bilang kinatawan hindi lamang ng Tribong Cuyonon kundi maging sa siyam na Tribu ng mga katutubo sa Palawan na kinikilala ng NCIP.

Sinabi rin ni Abrina na ang pangunahing kaniyang ilalatag ay ang pagbuo ng mga IP Agenda para sa mga katutubo, lalong-lalo na sa mga ancestral domain.
Tututukan din niya ang pagkakaroon ng IPMR sa lahat ng barangay sa Palawan, dahil ito ay mandatory na ayon sa kaniya. (OCJ/PIA Mimaropa-Palawan)