No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

22 katao may kaugnayan sa NPA, sumuko sa AFP OccMdo

Bilang patunay ng pakikiisa sa gobyerno, lumagda ang mga sumukong indibidwal sa isang affidavid. Nanumpa rin ang mga ito, kasama ang mga residente ng Brgy. Malpalon na walang kaugnayan sa NPA, sa pagkondena at hindi pagsuporta sa gawain ng komunistang grupo (Larawan kuha ng PIO Occidental Mindoro)

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) – Dalawampu’t dalawang (22) indibidwal na may kaugnayan sa komunistang grupong New People’s Army (NPA) ang kusang sumuko sa isinagawang Pagkalas ng Suporta o Withdrawal of Support ng Armed Forces of the Philippines (AFP) 68th Infantry Battalion (IB) kamakailan sa Brgy. Malpalon, Calintaan.

Ayon kay Cpt. Ersel Filipinas ng 68th IB, nagkaroon ng immersion ang kasundaluhan sa barangay simula ika-25 ng Mayo hanggang ika-4 ng Agosto, 2023 bilang bahagi ng Pagkalas ng Suporta kung saan binisita nila ang bawat sitio ng barangay.

Dito nagbigay ng information drive ang kasundaluhan sa mga bahay-bahay na nakatuon sa Anti-Terror Law at inalam ang problemang nararanasan sa barangay upang mas makatulong sa komunidad.

“Nakasaad sa Anti-Terror Law na kung sino ang sumusuporta sa kabila (NPA), kahit sino ka pa, pwede kang makasuhan. [Ginawa namin ang info drive na ito] para maging aware sila na mali ang ginagawa nila kasi kung walang magsasabi sa kanila, hindi nila malalaman,” paliwanag ni Filipinas.

Dagdag niya, isinagawa ang Pagkalas ng Suporta sa mapayapang pamamaraan sa pakikipag-ugnayan sa Lokal na Pamahalaan.

“Umiiwas tayo sa mga offensive na bagay o manakot. Peaceful na approach pa rin ang banat natin. Effective itong approach na ito kahit sa mga [Geographically Isolated and Disadvantaged Areas o] GIDAs at [Indigenous Peoples] IP communities natin,” ani Filipinas.

Bilang patunay ng pakikiisa sa gobyerno, lumagda ang mga sumukong indibidwal sa isang affidavid at nanumpa kasama ang mga residente ng Brgy. Malpalon na walang kaugnayan sa NPA sa pagkondena at hindi pagsuporta sa gawain ng komunistang grupo.

Kasalukuyang pinag-aaralan kung kwalipikadong makatanggap ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP ang mga sumukong indibidwal.

Patuloy pa rin ang inisyatibo ng AFP sa pagsugpo sa insurhensiya sa Occidental Mindoro, katuwang ang Provincial Task Force–End Local Communist Armed Conflict (PFT-ELCAC) sa pamamagitan ng mga information drive at paghahatid ng iba’t ibang serbisyong panlipunan para sa mga ELCAC-identified areas sa probinsya. (DSG/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)

About the Author

Dianne Francis Sy-Gorembalem

Information Officer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch