No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Filing ng calamity loan pwedeng gawin online, ayon sa Pag-IBIG Fund

LUNGSOD NG DAGUPAN (PIA) – Inanunsyo ng Pag-IBIG Dagupan Branch na maaari na magsumite online ng application para sa calamity loan assistance ang mga miyembro ng ahensya na naapektuhan ng nagdaang mga bagyo.

Ito ay matapos dumagsa sa opisina ng Pag-IBIG Fund-Dagupan Branch ang mga miyembro nito na nagnanais makapag-avail ng calamity loan assistance matapos ang dalawang linggong walang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno sa lungsod ng Dagupan noong nakaraang linggo dahil sa pagbaha.

Ayon kay Pag-IBIG Fund Dagupan Branch Head Corina Calaguin, maliban sa over the counter na transaksyon, ang mga miyembrong nais mag-apply ng calamity loan ay maaari din mag-file ng kanilang application gamit ang virtual Pag-IBIG app o Pag-IBIG website upang mas mapadali ang pagpoproseso ng kanilang calamity loan.

“Kung gusto nila ng mas mabilis, mas convenient at safer way na mag-file, maaari na pong mag-file online gamit ang inyong Loyalty Card plus para hindi na po ninyo kailangan pumila ng medyo mahaba,” ani Calaguin.

“Ang miyembro na maaaring magsumite ng kanilang aplikasyon ay ang mga miyembro na nakatira o nagtatrabaho sa bayan ng Lingayen, Binmaley, Mangatarem, Sta. Barbara, Basista, Mangaldan at Calasiao, gayon din sa lungsod ng Dagupan na nagdeklara ng state of calamity dahil sa epekto ng nagdaang bagyong Egay at Falcon,” dagdag niya.

Ayon kay Calaguin, nasa P400 milyon ang pondong nakalaan para sa short term loan programs ng Pag-IBIG Dagupan Branch kung saan ang mga miyembrong  nakapaghulog ng kontribusyon sa loob ng hindi bababa sa 24 na buwan ay maaaring makahiram ng nasa 80% ng kanilang ipon.

“Maaari po tayong mag-apply ng calamity loan hanggang Oktubre ngayong taon dahil ang application po ay magtatagal ng 90 araw mula sa araw na idineklara ang state of calamity sa inyong lugar,” aniya.

Ani Calaguin, layunin ng programa na matulungan ang mga miyembrong nangangailangan ng agarang financial aid kaya naman ang pagbabayad ng nahiram na halaga ay maaaring bayaran sa loob ng dalawang taon hanggang tatlong taon at tatlong buwang "grace period" mula sa araw na maaprubahan ang kanilang calamity loan.

Samantala, ani Calaguin, ang interes ng calamity loan assistance ng Pag-IBIG ay nasa 5.9% per annum lamang o katumbas ng 0. 495% per month. (JCR/MJTAB/EMSA/PIA Pangasinan)

About the Author

Elsha Marie Arguel

Information Officer II

Region 1

Information Officer II assigned at PIA Pangasinan located in Dagupan City

Feedback / Comment

Get in touch