Ipinaalala pa ni Martin na ipatutupad ang disbursement ban sa Oktubre 19-28, public works ban partikular na ang mga barangay-funded projects sa Oktubre 20-29, at liquor ban sa Oktubre 29-30.
Aniya, sa Nobyembre 29 ang huling araw ng paghahain ng Statement of Contributions and Expenditures kung saan, ang mga nanalong kandidato na mabibigong maghain ng kanyang SOCE ay hindi makakaupo sa kanyang puwesto.
Una nang nagpulong nitong Miyerkules ang City Joint Security Coordinating Center upang masiguro ang ligtas, tama, at patas na eleksyon.
Bagama't isa ang Baguio City sa mga may pinakamapayapa at pinakamaayos na halalan, sinabi ni Martin na kailangan pa ring mapaghandaan ang mga posibleng banta sa seguridad lalo na ang inaasahang mahigpit na tunggalian sa pulitika.
"We are still anticipating possible political rivalries sa mga malalaking barangay pagkatapos ng August 28 to September 3 filing ng COC, at least may maliwanag na picture tayo kung sa tingin ba natin, manageable pa or sa tingin natin, mag-augment tayo ng mga pwersa to manage 'yung peace and order sa mga barangays natin," ani Martin.
Nananatili sa green category ang Baguio City o ibig sabihin, walang naitalang security concerns at mapayapa ang isinagawang mga eleksyon sa nakaraan. (DEG-PIA CAR)