No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

DA namahagi ng fertilizer discount vouchers sa mahigit 2k magsasaka sa San Jose

Ipinapaliwanag ni Municipal Agriculturist Romel Calingasan sa mga benepisyaryong magsasaka ng Fertilizer Discount Voucher na layunin ng programa na tulungan ang mga magsasaka ng San Jose na makabili ng pataba o abono, na isa sa mga farm input na patuloy na tumataas ang presyo. (PIA/OccMDo)

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Nasa 2,831 mga magsasaka ng San Jose ang benepisyaryo ng Fertilizer Discount Voucher ng Department of Agriculture (DA).

Ayon kay Municipal Agriculturist Romel Calingasan, layunin ng programa na tulungan ang mga magsasaka ng San Jose na makabili ng pataba o abono na isa sa mga farm input na patuloy na tumataas ang presyo. Bawat voucher ay may halagang P4,000 at ipapalit sa mga accredited merchant na natukoy ng Kagawaran

Sinabi pa ni Calingasan na may mga magsasaka na maliban sa fertilizer discount voucher ay binibigyan din ng libreng binhi. Aniya, ang mga ito ay mga benepisyaryo na mula sa mga clustered areas.

Kabilang sa clustered areas ang mga barangay ng Batasan, Monteclaro, Central, San Agustin at Bubog-- mga lugar kung saan may serbisyo ng irigasyon mula sa National Irrigation Administration (NIA).

“Isa sa naging pamantayan ng DA sa pagtukoy ng mga clustered area ay iyong may irigasyon. Maaari ring mapabilang ang ilang rainfed areas pero dapat ang mga ito ay may iba pang maaaring pagkunan ng tubig tulad ng ilog o kaya ay deep well,” paliwanag ni Calingasan. Ilan sa rainfed areas ay Brgy. Mangarin, Mapaya, La Curva at San Isidro.

Isa si Normina Padernal ng Brgy. Mangarin sa tumanggap ng discount voucher ngayong araw. Malaki ang pasasalamat ni Padernal sa DA dahil aniya ang perang matitipid niya sa pagbili ng abono ay magagamit sa iba pa nilang pangangailangan.

Ipinapaalala naman ni Calingasan sa mga benepisyaryong magsasaka na ang voucher na kanilang tinanggap ay maaaring ipalit sa dalawa't kalahating bag ng fertilizer, batay sa kasalukuyang presyo o bilihan ng isang bag ng fertilizer. Subalit, ayon pa ng opisyal, kailangan pa ring bumili ng dagdag na pataba ang mga magsasaka dahil kadalasan ay anim hanggang walong bag ng abono ang ginagamit ng mga magsasaka para sa bawat ektarya ng sakahing lupa.  

Nagsimula noong Martes, Agosto 8 ang pamamahagi at sinisikap ng Municipal Agriculturist Office (MAO) na matapos ngayong Agosto 10 ang pamamahagi ng mga discount vouchers upang agad itong mapakinabangan ng mga magsasaka. (VND/PIA MIMAROPA - Occidental Mindoro)


About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch