ODIONGAN, Romblon (PIA) -- Magsisimula na ang pinakabagong census ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa mga magsasaka at mangingisda sa probinsya sa buwan ng Setyembre.
Sa isang panayam ng PIA Romblon, sinabi ni Engr. Dandy Fetalvero, Assistant Statistical Specialist ng PSA Romblon na isinasagawa na ang pagsasanay ng mga enumerators para magsagawa ng Census of Agriculture and Fisheries (CAF).
Dagdag ni Fetalvero, sampling ang isasagawang survey sa probinsya kung saan may tukoy na mangingisda at magsasaka ang pupuntahan ng mga enumerators. Ang mga ito ay kakatawan sa buong populasyon ng mga mangingisda at magsasaka sa lalawigan.
Ang mga respondents ay isasalang sa survey sa pamamagitan ng computer-assisted personal interviews at self-administered questionnaires.
"Isinasagawa natin ito para sa bagong mga impormasyon tungkol sa agriculture at fisheries. Dito rin natin makikita ang inventory ng kanilang mga equipment patungkol sa agriculture at aqua-culture. Dito rin tayo kukuha ng frames para sa iba pang survey," pahayag ni Engr. Fetalvero.
Ang CAF ay isinasagawa kada-sampung taon at nangyari ang huling CAF noong 2012. (PJF/PIA MIMAROPA - Romblon)