TUGUEGARAO CITY, Cagayan (PIA) - - Tuloy-tuloy ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), sa pamamahagi ng ng Family Food Packs (FFP) sa mga nasalanta ng nagdaang Super Typhoon Egay sa lalawigan.
Nitong Agosto 9 ay hindi bababa sa 1,000 FFPs ang ipinamahagi sa mga apektadong residente sa mga bayan ng Sanchez Mira at Claveria base sa report ng PSWDO.

May kabuuang 500 FFPs na may lamang canned goods at bigas ang naibigay sa bayan ng Sanchez Mira partikular sa barangay ng Nammuac.
Nabahagian din ng 500 FFP ang mga apektadong residente sa bayan ng Claveria partikular sa mga barangay ng Cadcadir East, Cadcadir West, Taggat Norte, Mabnang, Centro 3, Centro 4 at Kilkiling.
Ang mga FFP ay nagmula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ayon sa PSWDO.
Samantala, mahigit 800 FFPs naman ang naibigay sa mga bayan ng Ballesteros at Pamplona nitong Huwebes, Agosto 10.
Umabot ng 500 FFPs ang naibaba sa mga barangay ng Palloc, Sta. Cruz, Nararagan at Fuga sa bayan ng Ballesteros at 311 FFPs naman sa apat na barangay ng Pamplona na kinabibilangan ng barangay Masi, Abbangeruan, Centro at San Juan. (MDCT/PIA Cagayan)