No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Senador Marcos pinangunahan ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga nasalanta ng bagyo sa Pangasinan

LUNGSOD NG DAGUPAN (PIA) – Pinangunahan ni Senador Imee Marcos ang distribusyon ng tulong pinansyal para sa 5,500 na residente sa tatlong bayan at isang lungsod sa Pangasinan na naapektuhan ng nagdaang bagyo.


Ang tulong pinansyal na umabot sa kabuuang P14 milyon ay mula sa programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).


Ginanap ang pamamahagi ng tulong pinansyal nitong Sabado sa bayan ng Sta. Barbara, Calasiao, Binmaley, at lungsod ng Dagupan.


Nakatanggap ng tig-P3,000 ang nasa 3,000 benepisyaryo mula sa bayan ng Sta. Barbara, Calasiao, at Binmaley samantalang P2,000 naman ang tinanggap ng nasa 2,500 na benepisyaryo sa lungsod ng Dagupan.


Ayon kay Marcos, ang tulong pinansyal bagamat kaunti lamang ay naglalayong makatulong sa mga residente sa lalawigan na lubhang naapektuhan ng pagbaha na dulot ng mga nagdaang bagyo at hanging habagat.


Namahagi rin ang senador ng nutribun bread at mga laruan sa mga anak ng mga benepisyaryo sa nasabing aktibidad.


Samantala, ayon kay Pedro Merrera, alkalde ng Binmaley, malaking tulong ang financial assistance na ibinahagi ng DSWD sa pangunguna ng senador upang karagdagang panggastos ng mga pamilya sa bayan lalo’t malapit na muling mag-umpisa ang pasukan ng mga batang mag-aaral.


“Nagpapasalamat po kami at napakalaking tulong po nito dahil binigyan kami ng ayuda para magamit namin sa pang-araw-araw dahil kami po ay lubhang nahirapan dahil sa nangyaring pagbaha,” ani Teresita Fernandez, residente mula sa Barangay Biec West sa bayan ng Binmaley at isa sa mga nakatanggap ng tulong pinansyal.


Ang AICS program ng DSWD ay naglalayong magbigay ng agaran at pansamantalang tulong sa mga indibidwal at pamilyang apektado ng mga krisis tulad ng sunog, sakit o pagkawala ng isang miyembro ng pamilya, mga natural na sakuna, at iba pa. (JCR/AMB/EMSA/PIA Pangasinan)

About the Author

Elsha Marie Arguel

Information Officer II

Region 1

Information Officer II assigned at PIA Pangasinan located in Dagupan City

Feedback / Comment

Get in touch