No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

AFP Chief of Staff Brawner, ipapanukalang taasan ang 2024 modernization funds

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) -- May panukala si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo S. Brawner, Jr. na taasan ang 2024 modernization funds upang matugunan ang pangangailangan ng militar sa pagprotekta sa bansa.

Sa press conference noong Agosto 10 kaugnay ng pagbisita nito sa Palawan ay sinabi niya na nasa P27 bilyon lamang ang pondo ng AFP para sa modernization fund ngayong taon.

Sa press conference kamakailan sinabi ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo S. Brawner, Jr. (gitna) na magpapanukala itong taasan ang pondo para sa AFP Modernization sa 2024 upang matugunan ang mga pangangailangan ng militar sa pagprotekta sa bansa. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

Ayon kay Gen. Brawner, kulang pa ito para pambayad sa mga nauna nang nabili ng Pilipinas na mga barko.

“Nasa P27 billion ang [pondo] para sa modernization funds natin ngayong taon pero kulang pa ito sa pambayad sa multi-year contracts natin, multi-year payment dahil kapag bumili ka ng isang barko, hindi lang one-year mong babayaran ‘yon, it spreads out, mga five years ganun po kaya yung P27 billion na yun ay pambayad lamang ng ating utang so we need more para madagdagan po yung ating mga barko, mga eroplano, we need more modernization funds,” pahayag ng Heneral.

Sinabi pa ni Gen. Brawner na kapag na-aprubahan ang pagtaas ng modernization funds sa 2024 ay bibili ang AFP ng maraming mga barko at kung kakayanin pa ay nais din ng kanyang pamunuan na makabili ng submarine dahil sa ASEAN region aniya ay ang Pilipinas na lamang ang wala pa nito.

“Tulad nga ng nabanggit ko about the modernization, definitely kailangan natin ng mas malaking pondo para sa modernization natin dahil bibili tayo ng mas maraming mga barko and kung kaya ng ating pera, gusto nating bumili ng submarine, halos sa ASEAN region tayo nalang ang bansa sa walang submarine,” dagdag na pahayag ng Heneral.

“We need more ships, we need more aircraft, we need more air defense system, we need more drones. Ang dami nating kailangan, so sana po ay matulungan tayo ng ating gobyerno at hindi lamang ng ating gobyerno, even the private sector can help in this aspect,” sabi pa ng Heneral.

Sa ngayon, ang AFP ay hindi lamang nakatuon sa Ayungin Shoal at sa BRP Sierra Madre, tinitingnan nito ang kabuuang larawan ng West Philippine Sea kung saan ang Pilipinas ay umo-okupa ng maraming isla dito na nangangailangan ng karagdagang pondo upang maisaayos ang mga pasilidad nito.

“Kailangan talaga natin na palakasin pa yung ating presence sa WPS and this would entail more funds kaya’t talagang humihingi rin kami sa Kongreso natin na madagdagan ang pondo dito sa West Philippine Sea. Definitely we have plans to deploy more ships and more even aircraft natin para mabantayan natin ang ating Exclusive Economic Zone, so hindi lamang po yung pagbantay dito but really we have to establish our presence in the area.” pagtatapos ng Heneral. (OCJ/PIA MIMAROPA - Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch