No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mga napagtagumpayang operasyon ng pulis sa Oriental Mindoro, iniulat

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Isang taon ang nakalipas mula ng umupo si Police Colonel (PCol.) Samuel S. Delorino bilang Provincial Director ng lalawigan na kung saan kanyang iniulat ang mga napagtagumpayang misyon ng mahigit 1,000 pulis sa Oriental Mindoro Police Provincial Office (PPO) na kanyang nasasakupan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa 14 na bayan at isang lungsod sa lalawigan.

Sa isinagawang press conference noong Agosto 14 sa kanyang tanggapan, sinabi ni Delorino na sa kabuuang 1,665 na krimeng naganap, 302 dito ay naitalang index crimes kabilang ang murder, homicide, physical injury, rape, robbery, theft, at pagnanakaw ng mga sasakyan, habang 1,363 naman ang non-index crimes o mga krimen na may paglabag sa mga espesyal na batas, habang ang crime solution efficiency ay nasa 74.11 porsiyento at ang crime clearance efficiency rating ay 99.70 porsiyento na nagpapatunay na epektibo ang pangangasiwa sa usapin na may kaugnayan sa krimen.

Patuloy pa rin ang kampanya kontra iligal na droga na maliban sa pulisya ay katuwang nila ang ilang mga ahensiya ng pamahalaan at nakapagtala ng 103 anti-illegal drug operations sa loob ng isang taon, kung saan 119 ang naaresto na nakuhanan ng nasa 501.5279 na gramo ng shabu at 1.4343 gramo ng marijuana na may kabuuang halaga ng P3,410,389.72.

Tungkol naman sa kampanya laban sa iligal na pasugalan, sa 91 na operasyon sa buong lalawigan ay naaresto ng pulisya ang 221 indibidwal at nakumpiska ang mga taya na nagkakahalaga ng P82,969. Bukod dito ay nagsagawa din ang kapulisan ng Oplan Katok na ang layunin ay hikayatin ang mga may-ari  ng mga armas na kanilang irehistro o kung hindi man ay isuko sa mga himpilan ng pulisya.

Ayon pa kay Delorino, matagumpay din nilang nailunsad ang iba’t ibang programa at best practices tulad ng ‘Adopt a Mangyan Community’ at ‘Pulong-Pulong sa Bayan ni PD.’ Patuloy pa rin ang kanilang suporta sa mga programang Project B.I.D.A (Buhay Ingatan Droga’y Ayawan) at ang Project S.P.A.R.E. (Special Protection Against Rape and Exploitation).

Dagdag pa ng Punong Pulisya ng lalawigan, patuloy pa rin nilang gagawin ang pagpapanatili ng kapayaan at kaayusan at handang handa na rin ang kanilang tanggapan para ipatupad ang mga oplan ukol sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na magsisimula ngayong Agosto 28 at magtatapos sa Nobyembre 29. (DN/PIA MIMAROPA - Oriental Mindoro)

About the Author

Dennis Nebrejo

Writer

Region 4B

Public Information Assistant

Philippine Information Agency

2nd Flr. George Teng Bldg., JP Rizal St., cor. Gozar St., Brgy. Camilmil Calapan City

Email : dennis.nebrejo@pia.gov.ph

Feedback / Comment

Get in touch