
Tinatalakay ng mga Agriculture Extension Worker sa kanilang isinasagawang Training of Trainers ang mga hamon na kinakaharap ng nga magsasaka ng mais sa probinsya. Larawan mula sa ATI MImaropa.
SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Upang higit na makinabang ang mga magsasaka ng mais sa lalawigan, ipinatutupad ng Department of Agriculture (DA) ang pagsasama-sama o clustering ng mga nasabing magsasaka.
Layunin ng hakbang na ito na mapadali ang pagpapadala ng tulong mula Pamahalaan patungo sa mga mabubuong samahan ng mga magma-mais. “Sakaling mangailangan ng ayuda ang nabuong samahan, makikipag-ugnayan ang DA sa ahensyang makakatulong sa kanila,” ayon kay Roseanne Nilo, Media Production Specialist ng ATI Mimaropa.
Sinabi ni Nilo na kasalukuyan silang nagsasagawa ng training of trainers sa bayan ng Magsaysay na dinadaluhan ng mga Agricultural Extension Workers (AEW) mula sa iba’t ibang bayan ng probinsya; ang mga AEWs o field technician ang mangunguna sa pag-oorganisa ng mga grupo ng mga corn farmer.
Ayon pa kay Nilo, panibagong hamon sa mga field technician ang pagbuo ng samahan ng mga magmamais, ngunit malinaw aniya sa mga ito na malaking tulong sa mga magsasaka ang gagawing clustering. Bukod dito, mas mapapadali ang isasagawang monitoring ng bawat AEW dahil batay sa pamantayan ng DA kaugnay ng clustering, mula sa iisang lugar ang pagsasama-samahing magtatanim ng mais.
Dagdag pa ni Nilo, bukod sa mas mapapabilis na paghahatid ng tulong, nais ng DA na sa pamamagitan ng clustering ay maituon ng mga magsasaka ang kanilang atensyon sa isang produkto upang ito ay higit pang mapalago. Plano rin ng DA, ayon kay Nilo na turuan ang mga clustered corn farmer na huwag umasa sa mga trader. Aniya, nakahandang tumulong ang Kagawaran sa pagtukoy ng mga direktang kliyente upang higit pang tumaas ang kita ng mga magmamais sa probinsya.
Kinikilala ng DA na ang lalawigan ang pinakamalaking producer ng mais sa rehiyon ng Mimaropa. (VND/PIA MIMAROPA - Occidental Mindoro)