LUNGSOD QUEZON (PIA) -- Malaking bahagi ng inihahandang P214.3 bilyong badyet ng Department of Transportation (DOTr) para sa taong 2024 ay magbibigay-suporta sa “Build Better More Program” ng bansa, na isa sa mga prayoridad sa 8-point Socioeconomic Agenda ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Ang pagpapaunlad ng imprastraktura ay nakaangkla sa Philippine Development Plan 2023-2028 at sa Medium Term Fiscal Framework ng bansa.
Sa kanyang mensahe, malinaw na ipinahayag ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng pagtataas ng pondong ibinibigay sa DOTr, na nagpapakita sa mahalagang papel ng transportasyon sa pagpapalakas ng matatag at lalo pang paglago ng ekonomiya.
“Transportation policy can have significant and lasting impacts on overall economic growth. Hence, with the urgent need to improve our country’s public mass transport system and reduce road congestion, we have doubled the budget for the DOTr from P106.0 billion in the FY 2023 GAA to P214.3 billion for 2024 (Ang polisiya sa transportasyon ay maaaring magkaroon ng malaki at pangmatagalang epekto sa pangkalahatang paglago ng ekonomiya. Kaya naman, dapat lamang na pahusayin ang pampublikong sistema ng transportasyon sa ating bansa at bawasan ang pagsisikip sa kalsada, dinoble natin ang badyet para sa DOTr mula P106.0 bilyon sa FY 2023 GAA hanggang P214.3 bilyon para sa 2024),” sabi ng Pangulo.
Ang P176.4 bilyon na pondo ay itutuon sa Public Sector Infrastructure budget ng DOTr, na magpapalakas ng mga pangunahing proyektong pang-transportasyon na aprubado ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board, kabilang ang North-South Commuter Railway System at ang Metro Manila Subway Project Phase I sa ilalim ng Rail Transport Program; ang Land Public Transportation Program; at ang Aviation and Maritime Infrastructure Programs ng DOTr.
Samantala, ang Rail Transport Program ay tatanggap ng mahigit sa 76.4% ng badyet na magpapabilis sa pag-aayos at pagpapatayo ng modernong sistema ng riles. Ang Land Public Transportation Program ay tatanggap naman ng P6.4 bilyon, kung saan mapopondohan ang maraming proyekto, kabilang na ang Active Transport Bike Share System at Safe Pathways Program sa Metropolitan Areas (P500 milyon) upang makagawa ng mas maraming bike lane at maayos na mga pampublikong hintuan ng mga sasakyan, at ang EDSA Greenways Project (P263 milyon) para makapagtayo ng mga ligtas na daanan sa paligid ng Metro Manila.
Gayundin, para naman sa programa sa aviation, nakatuon ang pondo sa modernisasyon at pagpapaunlad ng mga paliparan sa buong bansa. Binigyan ito ng alokasyong P6.1 bilyon. Upang mapabuti naman ang pamamahala sa trapiko sa himpapawid, P1.3 bilyon ang ilalaan sa bagong Communications, Navigation, and Surveillance/Air Traffic Management (CNS/ATM) System Development Project. Makatutulong ito sa mga air traffic controller na mas maging epektibo sa pakikipag-ugnayan gamit ang pinaka bagong teknolohiya.
Ang Maritime Infrastructure Program ay tatanggap naman ng P988 milyon, kasama ang P625 milyon para sa Maritime Safety Enhancement Project, at P134 milyon para sa Maritime Safety Capability Improvement Project Phase I upang mapabuti ang pagtugon sa mga insidente sa karagatan at mapahusay ang pagsasagawa ng pagpapatupad ng batas sa dagat at mga operasyon sa seguridad. (DBM / PIA-NCR)