No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Pag – enhance ng loan programs, tinututukan ng GSIS


BAGUIO CITY (PIA) - - Tinututukan ngayon ng Government Service Insurance System (GSIS) ang pag – enhance ng kanilang Multi – Purpose Loan o MPL   program  at ang layunin ay magawang mas mababa ang interest rate nito at mabayaran sa mas mahabang payment period para  mas maging magaan sa bulsa ng mga miyembro.


Ito ang pahayag ni GSIS President at General Manager Jose Arnulfo Veloso  sa isang press conference   sa Hotel Grande dito  nitong Miyerkules ( Agosto 16).


“Atin pong adhikain, ito po ay kanilang kontribusyon, ngunit sa oras ng kanilang pangangailangan ay maibalik at maibigay po natin sa kanila na tulong at isa na pong benepisyo at hindi tinatawag na revenue or income generation scheme na galing sa amin,” ika ni Veloso.

GSIS President and General Manager Jose Arnulfo Veloso, sa isang press conference, sinigurado ang patuloy na pag-enhance ng mga programa ng GSIS para sa mga miyembro at pensioners. (CCD/PIA CAR)

Sa Kasalukuyan, ang GSIS MPL Plus ay nakapagbibigay ng pautang na aabot sa katumbas ng labing – apat (14 times) ng basic monthly salary (na hindi lalagpas sa P5 milyon) ng isang miyembro   sa interest rate na pitong porsiyento (7%) at maaring bayaran sa loob ng sampung taon.


Samantala, inihayag din ni Veloso na kanila ding tinitignan kung paano ma – enhance ang GSIS Calamity Loan na sa ngayon ay naka-bukas para sa mga miyembro na na-apektuhan ng bagyong Egay.


Ang GSIS calamity loan ay nagkakahalaga ng P20,000 at may interest rate na anim na porsyento (6%) at babayaran sa loob ng tatlong taon (3 years).

Ang mga miyembro na may calamity loan pang binabayaran ay maari din mag-avail muli, ibabawas lamang ng GSIS ang kanilang natitirang pagkaka – utang sa P20,000 na calamity loan.


Para sa kasalukuyang calamity loan program,  naglaan ang GSIS ng  P650 milyon loan window na maaaring i – avail ng mahigit 30,000 active members at old-age/disability pensioners sa Baguio City, Mountain Province at Benguet sa ilalim ng GSIS Baguio Branch.


Maliban sa MPL at Calamity loan, mayroon din ang GSIS na GFAL Education Loan at Pension Loan at Housing Loan na mga programa.

Sa kanyang opisyal na pagbisita dito sa Baguio, pinangunahan ni Veloso ang iba pang opisyales ng GSIS para sa “Stakeholders’ Dialogue” na ginanap sa Hotel Grande, nitong umaga ng Miyerkules.


“Sa aming pagbisita dito sa Baguio City ay upang magkaroon kami ng pagkakataon ng pag – intindi kung paano namin mapapabuti ang aming serbisyo at ang aming mga proseso para sa mga members ng government na aming stakeholders o ang mga tinatawag naming customer,” aniya.


“Sa pamamagitan ng ganitong pakikipag-ugnayan ay nalalaman namin kung ang aming mga produkto o ang mga loan programs namin ay epektibo. Ang proseso ba namin ay kailangan pang ma-improve, at kung ano pa ba ang kailangan naming gawin para mapabuti ang buhay ng ating mga government employees,” dagdag ni Veloso. (CCD-PIA CAR)

GSIS President at General Manager Jose Arnulfo Veloso nakipag-dialogue sa mga miyembro ng GSIS na sakop ng GSIS Baguio Branch para ipa-alam ang mga reporma na ipinatutupad at alamin ang mga isyu na kailangan pa nilang tugunan. (CCD/PIA CAR)

About the Author

Carlito Dar

Writer

CAR

Information Officer II at PIA Cordillera

Feedback / Comment

Get in touch