SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Bilang bahagi ng pagsugpo ng insurhensiya sa probinsya, nagsagawa ng Serbisyo Caravan ang Municipal at Provincial Task Force-End Local Communist Armed Conflict (ELCAC) sa Brgy. Malpalon, Calintaan sa pagtatapos ng gawaing Pagkalas ng Suporta sa komunidad kamakailan.
Nakatanggap ang mga residente ng libreng serbisyong medikal tulad ng konsultasyon, laboratory examinations at libreng tuli sa pangunguna ng Municipal Health Office (MHO) at ng Medical Mission Group Health Service Cooperative (MOMMGHSC).
Kasabay nito, nagkaroon din ng pagpapatala ng mga residente sa PhilHealth upang mabigyan sila ng libreng konsultasyon, laboratory tests at maintenance medicine sa mga PhilHealth-accredited service providers sa probinsya.
Kasama rin ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na namahagi at tulong pinansyal sa mga katutubong Mangyan na umabot sa P995,000 sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) Program mula sa DSWD. Aabot naman sa 199 benepisyaryo ang nakatanggap ng P5,000 upang matugunan ang kanilang pangunahin o biglaang pangangailangang pinansyal gaya ng gastusing medikal, pagpapalibing at pang-edukasyon. Katuwang ang Cooperative Development Authority (CDA), namahagi rin ang PSWDO ng food packs para sa mga residente ng komunidad.
Pinangunahan naman ng Calintaan Municipal Police Station (MPS) at 1st Police Mobile Force Company (PMFC), katuwang ang AFP 68th IB sa pagbibigay ng libreng gupit para sa mga kalalakihan.
Kasabay ng gawain ay ang paggawad ng Driving Certificate sa 40 katutubong Mangyan na sumailalim sa libreng Theoretical Driving Training kamakailan sa pangunguna ng TESDA.
Ayon kay Cpt. Ersel Filipinas ng 68th IB, mas naging makabuluhan ang pagsasagawa ng Serbisyo Caravan kasunod ng Pagkalas ng Suporta upang mas maipakita ang layunin ng paghahatid ng serbisyong panlipunan sa mga ELCAC-identified na komunidad.
“Yun talaga ang purpose nitong ELCAC na maidala natin sa community ang mga serbisyo na malimit ginagamit din na propaganda ng kabila [NPA]. Kasi sinasabi ng kabila na, “kami ang inyong gobyerno” pero ginagawa ito ng ELCAC para malaman nila na tayo ang government,” ani Filipinas.
Nagkaroon ng pagpapakita ng pagkalas ng suporta ang 22 indibidwal na may koneksyon sa NPA sa pamamagitan ng paglagda sa isang kasulatan ng pagkondena at hindi pagsuporta sa gawain ng komunistang grupo bago ang serbisyo caravan. Nakibahagi rin dito ang mga mamamayan ng nasabing komunidad na walang kaugnayan sa NPA.
“Maganda ang feedback ng mga [head] agencies na nagpunta…[dahil] may mga testimonies na galing sa mga residente. Sila mismo ang makakapagsabi kung anong ipapaabot nila sa government agencies. Mas nagkaroon ng meaning yung serbisyo caravan,” dagdag ni Filipinas.
Kasalukuyang inihahanda ng TF-ELCAC ang pagsasagawa ng Serbisyo Caravan sa Brgy. Ligaya, Sablayan bilang bahagi ng inisyatibo ng Pamahalaan sa pagsugpo sa insuhensiya sa Occidental Mindoro. (DSG/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)