No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Iba’t ibang surgical operations, isinagawa sa San Vicente District Hospital

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) -- Iba’t ibang ‘surgical operations’ ang isinagawa sa San Vicente District Hospital sa bayan ng San Vicente kaugnay ng naganap na medical at surgical mission ng Sui Generis Mission noong Agosto 18-20.

Ang isinagawang Sui Generis Surgical Mission ay pinangunahan ni Sandiganbayan Justice Geraldine Faith A. Econg katuwang ang League of Municipalities of the Philippines (LMP) Palawan Chapter sa pangunguna ni San Vicente Mayor Amy Roa Alvarez bilang Pangulo, Cebudoc Group, Cebu Doctors University Hospital, Pamahalaang Bayan ng San Vicente at Pamahalaang Panlawigan ng Palawan.

Ayon kay Justice Econg, ang Sui Generis ay isang salitang Latin na ang ibig sabihin ay ‘a class of its own.’

“The medical mission na we want to offer in the entire Philippines is conceptualized as a class of its own, hindi siya gaya ng iba’t-ibang missions na ino-offer ng other organizations and we want to set ourselves as a class, as a different group, so that’s why we named our group as a Sui Generis Mission,” pahayag pa ni Justice Econg.

Pinagunahan ni Sandiganbayan Justice Geraldine Faith A. Econg ang surgical mission na isinagawa ng Sui Generis Mission sa bayan ng San Vicente, Palawan noong Agosto 18-20, 2023. (LArawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

Sinabi din ni Econg na napili ang bayan ng San Vicente para sa mission na ito dahil kasama ito sa mga lugar na tinatawag na underserved areas o mga lugar na may mga taong nangangailangan ng serbisyong medikal ngunit kulang ang mga doktor.

Ang Sui Generis Surgical Mission sa San Vicente ay binubuo ng nasa mahigit 180 mga espesyalista at mga volunteers na nagmula sa Maynila at Cebu kung saan dala mismo ng grupo ang iba’t ibang sopistikadong kagamitan sa pag-oopera.

Ang isinagawang operasyon sa San Vicente District Hospital ng mga doctor mula sa Sui Generis Mission sa pamamagitan ng paggamit ng laparoscopyo o video assisted device. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

Sa talaang ibinahagi ng LGU-San Vicente ay umabot sa 1,736 pasyente mula sa iba’t-ibang munisipyo sa Palawan ang nakapagpatala para sa iba’t-ibang operasyon.

Ilan sa mga serbisyong hatid ng Sui Generis Surgical Mission ay ang head and neck surgery; breast surgery; hernia and abdominal wall surgery (Operasyon sa Luslus at sa tyan); Laparoscopic Surgery (Operasyon sa tyan sa pamamagitan ng paggamit na laparoscopyo o video assisted device); Ovarian Cyst Surgery (Operasyon sa pagtanggal ng bukol sa Obaryo); Hysterectomy (Pag-alis ng bahay bata); Thyroidectomy and endocine (Pag-opera sa thyroid); Cholecystectomy and biliary surgery (operasyon sa apdo); Hemorrhoids and anal surgery (operasyon sa almuranas); Hydrocoele surgery; Varicocelectomy (Operasyon sa namamagang ugat sa bayag); Cleft Lip; Cleft Palate; Cyst; Mayoma; Lipoma; AV Fistula at iba pa.

Mayroon ding Cataract Surgery; Pterygium surgery; eye check up at reading glasses clinic; dental clinic at pagbubunot ng ngipin.

Nagpasalamat naman si Mayor Amy Alvarez sa Sui Generis Mission na napili ang bayan ng San Vicente para sa nasabing mission at inaasahan nito na muling maulit ito sa darating na panahon o kung sakalin mang maulit ito at sa iba munisipyo sa Palawan gagawin ay handa itong tumulong. (OCJ/PIA MIMAROPA - Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch