No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Pagkamatay ng mga alagang baboy sa Magsaysay, Palawan tinututukan ng PVO

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) -- Tinututukan ngayon ng Provincial Veterinary Office (PVO) ng Pamahalaang Panlalawigan ang kahina-hinalaang pagkamatay ng mga alagang baboy sa Isla ng Cocoro sa bayan ng Magsaysay kamakailan.

Ayon kay PVO Officer In-Charge Dr. Darius P. Mangcucang ay agad na nagpadala ng surveillance team ang kanyang tanggapan upang mag-imbestiga sa pangyayari at alamin ang kasalukuyang sitwasyon partikular ang estado ng mga apektadong residente at kanilang mga alagang baboy, gayundin upang kumuha na rin ng blood sampling sa mga baboy para malaman ang dahilan ng pagkamatay ng mga ito.

Kumuha ng blood sample sa mga baboy sa Bayan ng Magsaysay ang mga kawani ng Provincial Veterinary Office ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan upang malaman kung ang mga ito ay apektado na ng African Swine Fever (ASF). (Larawan mula sa PVO)

Sinabi pa ni Dr. Mangcucang na ang nakuhang mga blood samples sa mga baboy na namatay ay inihatid na sa Bureau of Animal Industry (BAI) para sa laboratory confirmation upang malaman kung positibo ba sa African Swine Fever (ASF) ang mga ito.

Sa impormasyong ibinahagi ng Provincial Information Office (PIO) batay na rin sa huling ulat ng PVO, nasa 180 na mga alagang baboy sa Isla ng Cocoro ang namatay mula sa 65 na apektadong pamilya.

Kaugnay nito, agad ding naghatid ang PVO ng karagdagang disinfectants at foot bath para sa Cuyo at Magsaysay maging ang paglalagay ng checkpoint sa boundary ng nasabing mga munisipyo habang ang Barangay Cocoro naman ay kasalukuyang nakabantay upang walang makapasok at makalabas na mga hayop bilang bahagi ng mahigpit na pagpapatupad sa biosecurity measure.

Bumuo na rin ng Municipal ASF Task Force ang bayan ng Magsaysay at Cuyo alinsunod sa Provincial Ordinance No. 2846 o ang Bantay ASF sa Barangay.

Ipinagbabawal na rin ang paggalaw ng live hogs and pork products na galing sa ibang munisipyo na papasok sa nabanggit na mga munisipyo bilang pagtalima sa parehong Executive Order na kapwa inilabas ng parehong bayan.

Muli namang nagpaalala si Dr. Mangcucang sa publiko na sundin ang mga ipinatutupad na hakbang ng Pamahalaang Panlalawigan upang maiwasan ang pagpasok ng iba’t ibang sakit ng mga hayop sa lalawigan. (OCJ/PIA MIMAROPA - Palawan/PIO Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch