Sinabi rin ni Atty. Diaz na lahat ng munisipalidad at siyudad sa Palawan ay kanilang pupuntahan para isagawa ang RACE at nauna na nga ang El Nido dahil sa potensiyal ng nasabing bayan. Ayon kay Atty. Diaz, kung magpapatuloy ang mga employer sa El Nido na makakalimot sa kanilang obligasyon, balang araw, dahil sa potensiyal na lumaki ang El Nido ay baka maapektuhan rin ang maraming manggagawa sa nasabing lugar.
Kasama rin sa aktibidad na ito ang mga kawani ng SSS-Palawan Branch sa pangunguna ni Branch Head Abdultalib A. Abirin.
Ayon naman sa SSS-Palawan, mahigit 500 establisyemento sa El Nido ang rehistrado sa SSS ngunit halos kalahati sa mga ito ay nagsara dahil sa pandemya at ngayong wala nang pandemya ay magma-mapping ulit ang SSS kung alin sa mga establisyementong nagsara ang muli nang nagbukas.
Kasabay ng pagsasagawa ng RACE ay nagsagawa rin ang mga kawani ng SSS-Palawan ng SSS on Wheels. Ang issuance ng SS Number; inquiries and verification; ang pagtanggap ng aplikasyon upang maging miyembro ng SSS; at online services ang mga serbisyong inihatid ng SSS on Wheels sa El Nido. Isinagawa ito sa covered gym ng nasabing munisipyo. (OCJ/PIA MIMAROPA - Palawan)