LUNGSOD NG BATANGAS (PIA) — Nagtapos ang 25 Batangueño sa Contact Center Services Training na programa ng Department of Information and Communications Technology (DICT) Region IV-A noong ika-15 ng Agosto.
Ang programa ay nasa ilalim ng Work Scholarship Program na bahagi ng Digital Cities 2025 ng ICT Industry Development Bureau ng DICT na layong makapagbigay ng pagkakataon sa mga walang trabaho, underemployed o freelancers na magkaroon ng online jobs na maaaring pagkakitaan.
Ang mga scholars ay nagsanay sa loob ng 18 araw kung saan tinuruan sila ng English Communications at Customer Service Relations.
Ayon kay Mayor Beverley Rose Dimacuha, nagpapasalamat ito sa tanggapan sa pagkakapili sa lungsod ng Batangas bilang benepisaryo ng naturang programa na malaki ang maitutulong sa mga kababayang nangangailangan ng trabaho at pagkikitaan.
“Bukod sa abilidad at dagdag kaalaman, malaking tulong ang pagsasanay sa mga benepisaryo na nais maging mahusay na call center agents, may dagdag karunungan na ay mayroon pa din silang pagkakataon na makahanap ng maayos na trabaho”, ani Dimacuha.
Naisakatuparan ang programang ito sa pagtutulungan ng Batangas City ICT Business Council, Technical Education Skills and Development Authority (TESDA) batangas, TaskUs, at MC Tech Training Center. (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas may ulat mula sa PIO Batangas City)