APARRI, Cagayan (PIA) - - Nagpapatuloy ang pamamahagi ng lokal na pamahalaan ng Aparri ng gas subsidy sa lahat ng mga tricycle driver at operators sa naturang bayan bilang tulong sa kanila.
Ang programang ito ay kabilang sa mga napondohan ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng opisina ni Mayor Bryan Chan at ng Sangguniang Bayan.

Ang mga benepisyrayo ay nakakatanggap ng gas subsidy apat na beses sa isang taon ayon sa alkalde.
Kailangan lamang ipakita ng isang tricycle driver o operator ang kanyang gas subsidy voucher para matanggap niya ito.
Hinangaan naman ni Emma Florentino Raciles ang programang ito ng lokal na pamahalaan na ayon sa kanya ay isa ang kanyang anak sa mga benepisyaryo.
“Keep up the good work sir [Mayor Chan] Salamat at isa rin ang aking anak na nabahagi ng gas subsidy. Apat na beses na mula ng kayo ay namahagi,” aniya.
Para naman kay Mary Jane Asuncion Quitog, malaking tulong umano ang natatanggap na gas subsisdy para sa mga tricycle driver.
“Salamat Mayor Chan sa subsidy na ipinamahagi mo sa mga tricycle driver [dahil] sa ilan taon na nagdaan ay wala kaming natatanggap na ganito, ngayon lang ng ikaw ay nakaupo kaya laking blessing ito sa amin every quarter ay makatanggap kami,” ani Quitog.
Samantala, bago pa nagsimula ang pamamahagi ng gas subsidy ay nagpatawag muna ng isang public hearing para sa mga tricycle driver at operator ang LGU Aparri sa pangunguna ng alkalde, kasama ang Sangguniang Bayan, upang talakayin ang nasabing iskedyul ng distribusyon.
Natalakay rin ang mga isyu at problemang kinakaharap ng mga tricycle driver lalo na sa usapin ng prangkisa, pamasahe, at mga paglabag sa mga ordinansa. (MDCT/PIA Cagayan)