BAGGAO, Cagayan (PIA) - - Natanggap na ng mga principal at head teacher ng lahat ng pampublikong paaralan sa bayan ng Baggao dito sa lalawigang ito ang mga school supply na tulong ng lokal na pamahalaan para sa pagbubukas ng bagong academic year sa Agosto 29.
Sa mensahe ni Vice Mayor Rowel B. Gazmen, pinasalamatan niya ang lahat ng miyembro ng Sangguniang Bayan dahil sa pag-apruba sa budget ng nasabing programa.

Bagama’t sa ngayon ay hindi pa saklaw sa nasabing tulong ang mga mag-aaral sa mga pribadong paaralan, sinabi ng pangalawang alkalde ang kagustuhan ng Sangguniang Bayan na mabigyan din sila sa susunod na taon.
Ayon naman kay Mayor Leonardo C Pattung, hiniling nito sa konseho na gawan ng ordinansa ang libreng school supplies para kahit sino ang uupong alkalde ay ipagpapatuloy nito.
Sumang-ayon din si Pattung sa mungkahi ng Sangguniang Bayan at nangakong mapopondohan ang school supplies para sa mga nasa pribadong eskwelehan.
"Ang programang ito ay simbolo ng love at hope - love to our children and hope for a better future to our learners and to all of us,” sinabi ni Marietta Briz, ang Principal III ng Baggao North Central School. (MDCT/PIA Cagayan)