LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga (PIA) -- Patuloy pa rin ang Department of Health o DOH Central Luzon sa pagtanggap ng aplikasyon ng COVID-19 sickness and death compensation.
Ayon kay Management Support Division Supervising Administrative Officer Eric Paul M. Yumul, maaaring magsumite ng aplikasyon ang mga public at private health care at non health care workers na tinamaan ng COVID-19 bago Hulyo 21, 2023.
Paliwanag ni Yumul, alinsunod sa Proclamation No. 297 o Lifting of the State of Public Health Emergency Throughout the Philippines Due to COVID-19, lahat ng issuances at memoranda ng kanilang ahensya na may kaugnayan sa public health emergency ay natapos na rin kasama ang COVID-19 sickness and death benefits matapos ang nasabing petsa.
Kaugnay nito, maaaring makapag-claim ng hanggang P15,000 ang mga may mild to moderate cases; P100,000 naman para sa mga severe cases; at hanggang P1 milyon para sa mga health care workers na namatay dahil sa COVID-19.
Kabilang sa mga eligible na makakuha ng benepisyo ang mga healthcare at non health care workers sa mga pampubliko at pribadong pasilidad; medical allied; at administrative, technical, outsourced, at volunteer personnel.
Maari ring mag-claim ang mga barangay health care workers, at mga nagtatrabaho sa mga ospital, health facilities, laboratories, temporary treatment and monitoring facilities, at vaccination sites.
Dagdag pa ni Yumul, sa mga may mild at moderate cases na nais kumuha ng kanilang benepisyo, kinakailangan ang orihinal na certificate of employment; isang government issued ID; original o certified true copy ng medical certificate; original o certified true copy ng RT PCR result; at original certificate of exposure o certificate of involvement.
Para sa mga may severe o critical cases, kinakailangan ding isumite ang mga nabanggit na dokumento kalakip ang original or certified true copy ng chest xray results; habang kinakailangan naman ang copy of death certificate bilang karagdagang dokumento para sa mga namatayan.
Samantala, base sa huling tala ng ahensya, nasa 12,507 processed claims na ang kanilang natanggap mula taong 2020 hanggang Hulyo 31, 2023. (MSJC/RGP-PIA 3)