
TUGUEGARAO CITY, Cagayan (PIA) - - Matagumpay na nailigtas ng rescue team ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng bayan ng Gonzaga, Cagayan katuwang ang Task Force Lingkod Cagayan (TFLC) ang isang pamilyang stranded dahil sa pag-apaw ng tubig-ilog.
Ang nasabing pamilya ay mula sa Barangay Pateng sa bayan ng Gonzaga.
Sa bayan naman ng Santa Teresita sa Cagayan ay umapaw na ang tubig-baha sa Centro West - Simpatuyo Road kaya hindi muna ito pwedeng daanan ng kahit anumang uri ng malilit na sasakyan.
Hindi na rin maaaring madaanan ng anumang klase ng sasakyan ang Annayatan, C. Verzosa, Bagunot, Taytay-San Isidro, Hacienda Intal-Asinga Via Bridge sa bayan ng Baggao, cagayan dahil lubog na ang mga ito sa tubig dulot ng walang humpay na buhos ng ulan sa lugar. (OTB/MDCT/PIA Cagayan)