No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

TESDA nagdiwang ng ika-29 na anibersaryo sa OccMin

Nasa 125 iskolar na nagsipagtapos sa skills training ng TESDA ang nakatanggap kamakailan ng kanilang scholarship allowance kasabay ng isinagawang World Café of Opportunities ng TESDA Occidental Mindoro.

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) – Puno ng iba’t ibang aktibidad ang kauna-unahang pagdiriwang ng pagkakatatag ng TESDA sa mga tanggapan nito sa probinsya na isinagawa noong ika-22 hanggang 25 ng Agosto, 2023 na ginanap sa Rizal Occidental Mindoro TESDA Training and Accreditation (ROMTTAC) sa bayan ng Rizal.

Ilan lamang sa mga gawaing bahagi ng pagdiriwang ay ang pagkakaaroon ng bloodletting kung saan 79 na katao ang boluntaryong nagbigay ng kanilang dugo sa pangunguna ng Philippine Red Cross.

Ayon sa ulat ni TESDA Provincial Director Rosalina Reyes, ito ang isa sa mga pinakamaraming donasyon ng dugo na natanggap ng Red Cross sa isang bloodletting activity.

Ilan sa mga boluntaryo ay mula sa Municipal Police Station ng bayan ng Rizal at San Jose, mga sundalo mula sa Armed Forces of the Philippines – 68th Infantry Battalion at mga iskolar na nagsipagtapos sa TESDA.

Bukod dito, nagkaroon din ng feeding program at pamamahagi ng school supplies para sa 50 bata sa daycare kindergarten ng Brgy. Sto. Niño bilang paghahanda sa pasukan.

Sentro naman sa pagdiriwang ang pagkakaroon ng job facilitation o World Café of Opportunities katuwang ang iba’t ibang ahensya at tanggapan ng pamahalaan at mga lokal na private employers sa bayan ng San Jose na dinaluhan ng 155 aplikante mula sa iba’t ibang bayan sa probinsya.

Ibinahagi ng TESDA Provincial Director sa isang panayam na hindi lamang nakatuon ang kanilang tanggapan sa pagbibigay ng pagsasanay sa mga iskolar nito.

“Ito rin naman ang gusto ng TESDA. We are not only aiming for giving skills training. Syempre ang aim natin ay pagkatapos ng training ay magkatrabaho sila. Binigyan na natin sila ng sandata kaya they have to use their skills kasi para naman ito sa kanila,” paliwanag ni Reyes.

Kasabay din ng pagdiriwang ang pamamahagi ng toolkits, scholarship allowance at national certificates para sa mga iskolar ng TESDA sa probinsya.

Ayon kay Kagawad Bing Almonia ng Brgy. Sto. Niño, malaking tulong ang naihatid ng TESDA sa kanilang komunidad dahil maraming kabataan ang natututo ng iba’t ibang kasanayan sa mga skill training na ibinibigay ng ahensya.

“Napakalaking karangalan po sa aming baranagay, gayon din po sa bayan ng Rizal na dito itinayo ang training school ng TESDA. Isa po ako na nagpapatunay na ito po ay napakalaking bagay na nakatulong sa aming mga anak dahil walking distance lang po ang paaralan mula sa barangay. Mayroon akong dalawang anak na nakapagtapos dito at marami rin akong kapitbahay na naka-attend ng scholarship dito. Isa rin pong ikinagalak nila ay ang pagbibigay ng mga farmers kit matapos ang kanilang skills training…napakalaking bagay na tulong po sa amin,” bahagi ni Almonia.

Magkakasabay na ginanap ang pagdiriwang ng anibersaryo ng ahensya sa bawat probinsya sa bansa. (DFSG/PIA Mimaropa-OccMin)

About the Author

Dianne Francis Sy-Gorembalem

Information Officer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch