LUNGSOD NG SAN FERNANDO, La Union (PIA) – Isinagawa ang pagsasanay sa paggamit ng sign language bilang bahagi ng pagdiriwang sa selebrasyon ng Linggo ng Kabataan 2023 sa Agtutubo Conference, San Fernando Teen Center dito sa siyudad noong Agosto 23.
Ito ay inilunsad ng Local Youth Development Office (LYDO) ng lungsod sa pakikipagtulungan sa Gay Ganda at Pag-asa Youth Association of the Philippines (PYAP).
Higit 20 na mga kabataan ang nakilahok sa naturang aktibidad na nagmula sa iba’t ibang paaralan at organisasyon sa lungsod na may hangaring magkaroon ng pangunahing kaalaman sa sign language.
Ayon sa pamahalaang panlungsod, ang pagsasanay na ito ay nagbibigay ng pagkakataon para sa mga kabataan na maunawaan ang mga hearing-impaired at mabigyan ng kahalagahan ang pagsasama at pantay-pantay na pakikitungo ng isa’t isa sa lipunan.
“We chose this kind of training for [the] youths [to have] social inclusion and equity,” ani Jerome Acupan, LYDO officer ng lungsod.

Samantala, pinangunahan naman ni Ginang Brenda Padilla, guro ng Special Education (SPED) sa San Fernando, La Union, ang aktibidad bilang tagapagsanay na nagbahagi ng kanyang kaalaman sa sign language at mga karanasan sa pakikipagtalastasan sa mga may special needs.
“Ang pagkatuto ng sign language is for us to be able to communicate with our fellow deaf brothers and sisters. It is our duty to help, even in our own little ways, [to send] information to other people,” ani Padilla.
Sakop ng pagsasanay ang pangunahing kaalaman sa pagbaybay, paraan ng pagbati, at pagbabasa ng emosyon ng mga hearing-impaired at hindi nakakapagsalita.
Sa pagkatuto ng sign language, matutulungan ang mga kabataan na maging mas mahusay na mambabasa, manunulat, at tagabaybay upang maging epektibong tagapagdaloy ng komunikasyon sa pagitan ng mga nakakarinig at ng mga hearing-impaired na mamamayan. (JCR/MJTAB/SGR/PIA La Union)