CASTILLEJOS, Zambales (PIA) -- Ginunita sa Zambales ang ika-116 anibersaryo ng kapanganakan ni dating Pangulong Ramon Magsaysay.
Nagsilbing highlight nito ang pag-aalay ng mga bulaklak sa kanyang bantayog sa bayan ng Castillejos.
Ayon kay Museo ni Ramon Magsaysay Shrine Curator II Noel Gaton, tinaguriang idolo ng masa ang dating Pangulo dahil sa kanyang karisma, pagpapahalaga, at mga programang makamasa.
Kabilang sa mga nagawa niya ang pagbubukas ng Malacañang sa mga ordinaryong mamamayan upang mapakinggan ang kanilang mga hinaing at sila'y matulungan sa abot ng kanyang makakaya gayundin ang mga programa para sa mga magsasaka.
Sa panahon din aniya ng dating Pangulo naging batas ang Social Security Act na naglalayong bigyan ng kapanatagan ang mga kawani sa pribadong sektor at Rizal Law o ang pagtuturo sa buhay at mga likha ni Dr. Jose P. Rizal sa lahat ng institusyon.
Kaugnay nito, hinikayat ni Gaton ang mga kabataan na isabuhay ang mga katangian ni Magsaysay na bilang isang lider ay handang tumulong at magsakripisyo sa mga nangangailangan at maglingkod ng tapat.
Bago naging ika-pitong Pangulo ng bansa, si Magsaysay ay nagsilbing kinatawan ng Zambales at Kalihim ng Tanggulang Pambansa. (CLJD/RGP-PIA 3)
Pinangunahan ng National Historical Commission of the Philippines at pamahalaang bayan ng Castillejos sa Zambales ang paggunita sa ika-116 anibersaryo ng kapanganakan ni dating Pangulong Ramon Magsaysay. (NHCP Museo ni Ramon Magsaysay)