PIAT, Cagayan (PIA) - - Namahagi ng tulong ang Lokal na Pamahalaan ng Piat sa mga residente na apektado ng pagbaha dahil sa ulang dulot ng nagdaang bagyong Goring.

Sa pangunguna ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at mga lokal na opisyales ay naihatid ang mga school supplies, tsinelas at damit sa mga nabahang residente sa Barangay Calaoagan kahapon, Agosto 30.
Nagpapasalamat naman ang lokal na pamahalaan sa mga nagpaabot ng tulong sa mga residente sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga damit at kagamitan.
"Kapag tulong-tulong, kayang-kaya. Maging matatag at matapang tayo sa gitna ng kalamidad at pagsubok," ani Mayor Leonel Guzman sa kanyang Facebook post.
Samantala, hindi naman naging hadlang ang nagdaang bagyo para maihatid nang personal ng lokal na pamahalaan ang stipend ng mga iskolar.
Ang bawat iskolar o tinatawag na SKOLAR ng lokal na pamahalaan ay tumanggap ng P10,000 para sa unang semestre ngayong taong panuruan. (OTB/MDCT/PIA Cagayan)