No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

CSC-CAR, handang tumugon sa mga reklamo na may kaugnayan sa gov't service

BAGUIO CITY (PIA) -- Tiniyak ng Civil Service Commission-Cordillera (CSC-CAR) na handa ang kanilang tanggapan na tumugon sa anumang reklamo ukol sa paglabag sa Republic Act 11032 o Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery at anumang paglabag ng mga nagtratrabaho sa gobyerno.
 
Ayon kay Atty. Kathy Olaño ng CSC-CAR Anti-Red Tape Unit, patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) at iba pang ahensiya ng pamahalaan upang masiguro ang implementasyon ng nabanggit na batas.
 
"For example, the ARTA is going to refer complaint to us and that is where our duty starts po. If we receive a complaint from ARTA or from any private individual or perhaps another public servant, we assess if it is ARTA-related. Now, if it is ARTA-related, we docket it, nagiging complaint po siya," paliwanag ni Olaño.
 
Sa Cordillera, nakapagtala ang CSC ng isang ARTA-related case pero nabasura ang nasabing kaso dahil sa prima facie case o hindi sapat ang dahilan para makasohan ang indibidual na inirereklamo. Ang alegasyon ay nag-ugat sa pagbabayad ng complainant ng limang piso sa dokumentong kinuha nito na dapat ay walang bayad.

Inihayag ni Atty. Kathy Olaño kung ano ang trabaho ng CSC-CAR Anti-Red Tape Unit, sa Usapang PIA nitong Agosto 31, 2023.

Ayon kay Olaño, tinatanggap nila ang mga reklamo gaya ng pagpapataw ng karagdagang bayad na wala sa Citizen's Charter, pagdaragdag ng requirements, hindi pagtanggap sa mga kumpletong dokumento, at hindi pagbibigay ng written notice ukol sa hindi pag-apruba sa isang aplikasyon.
 
Ipinaalala rin nito na paglabag sa RA 11032 ang pagkabigong magproseso ng dokumento sa itinakdang processing time.
 
"3-7-20 [policy]. Three days for simple transaction, seven days for complex transactions, and 20 days for highly technical," paalala ni Olaño.

Paglabag din aniya ang hindi pag-asikaso sa aplikante kapag malapit ng matapos ang working hours at sa lunch breaks, hindi pagbibigay o pagtangging magbigay ng official receipt, fixing, at pakikipagsabwatan sa mga fixers.
 
Inilahad naman ni CSC Field Office-Baguio City Director Josefina Tamondong na maaaring magtungo sa kanilang tanggapan o sa ARTA ang mga may reklamo laban sa sinumang nasa gobyerno.
 
"Anybody who has a grievance or may reklamo against anybody na nasa gobyerno po like discourtesy, hindi sila inaasikaso, puwede pa rin naman silang pumunta sa ating mga opisina," ani Tamondong.
 
Binanggit pa ng CSC ang Contact Center ng Bayan (CCB) na isang feedback mechanism kung saan, maaaring humingi ng impormasyon o tulong ang publiko ukol sa government frontline service procedures, at maaari rin silang magreklamo at magbigay ng feedback dito ukol sa mga serbisyo ng pamahalaan.
 
Maaaring dumulog sa CCB sa pamamagitan ng hotline 1-6565 o mag-text sa 0908-881-6565. Maaari ring magpadala ng mensahe sa email@contactcenterngbayan.gov.ph o sa facebook page na www.facebook.com/contactcenterngbayan. (DEG-PIA CAR)

About the Author

Jamie Joie Malingan

Regional Editor

CAR

Feedback / Comment

Get in touch