No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

CPD-CAR, nanawagan ng suporta upang mapababa ang kaso ng teenage pregnancy sa Cordillera

BAGUIO CITY (PIA) -- Muling nanawagan ang Commission on Population and Development-Cordillera (CPD-CAR) ng pagkakaisa ng bawat isa upang mapababa ang kaso ng teenage pregnancy dito sa rehiyon.
 
Kasunod ito ng pagtaas ng bilang ng mga nagbuntis na kabataan sa nakaraang limang taon. Batay sa tala ng tanggapan, umakyat sa 6.1 porsyento  ang teenage pregnancy rate sa Cordillera noong 2022 mula sa 3.5% noong 2017.
 
"Kailangang pagtulungan natin to give the necessary information sa mga kabataan for them to say "no" or to delay ‘yung kanilang mga sexual encounters kasi mga risky behaviors po ‘yun," si CPD-CAR Regional Director Cecile Basawil.

Tinalakay ni CPD-CAR Regional Director Cecile Basawil sa Usapang PIA nitong Huwebes (Setyembre 7) ang mga hakbang na ginagawa ng tanggapan upang mapababa ang kaso ng teenage pregnancy sa rehiyon.

Aniya, patuloy naman ang pagsasagawa nila ng training para sa mga guro na tatalakay ng reproductive health at sexuality sa mga estudyante. Mayroon din aniya silang ugnayan sa mga pamahalaang lokal at sa Department of Social Welfare and Development para sa pagsasagawa ng awareness activities sa mga out of school youths.
 
Nagkakaroon din sila ng Parent Teen Talk sa mga magulang upang maipaalam sa mga ito kung ano ang isyu ng mga kabataan ngayon at paano makipag-ugnayan sa kanila. Binigyang-diin ni Basawil na mahalagang maging bukas ang mga magulang sa kanilang mga anak ukol sa mga diskusyon na may kaugnayan sa sexual at reproductive health.

"When our kids will start asking us about these things, we should be comfortable enough to discuss with them at kung hindi man tayo handa, then we can also ask 'yung mga kasama natin parents," ani Basawil.
 
Nakikipag-ugnayan din aniya sila sa mga senior citizens upang maging kaagapay  ng kanilang tanggapan sa pagpapalaganap sa mga mahahalagang impormasyon kaugnay sa responsible parenthood and reproductive health.
 
Umaasa naman ang opisyal na maipapasa na sa Kongreso ang House Bill  No. 8910 o "An Act Providing for a National Policy in Preventing Adolescent Pregnancies and Institutionalizing Social Protection for Adolescent Parents". Nitong Setyembre 6, 2023 ay inaprubahan na ng Kamara ang naturang panukala sa third and final reading at inaasahang iaakyat na sa Senado.
 
Layunin ng panukala na mabigyan ng solusyon ang suliranin ukol sa maagang pagbubuntis. Kapag naging ganap na batas ay mabubuo ang Adolescent Pregnancy Prevention Inter-Agency Council na siyang magbabalangkas at magpapatupad ng national action plan upang mapigilan ang teenage pregnancies. (DEG-PIA CAR)

About the Author

Jamie Joie Malingan

Regional Editor

CAR

Feedback / Comment

Get in touch