No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Kauna-unahang Festival of Palawan Fruits, inilunsad

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) -- Inilunsad ng Office of the Provincial Agriculturist ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ang kauna-unahang Festival of Palawan Fruits noong Setyembre 6, 2023.

Isinagawa ang paglulunsad nito sa Centennial Pavilion sa Gusaling Kapitolyo kung saan sa halagang P100 ay natikman dito ang mga napapanahong prutas sa lalawigan maging ang mga prutas na sa Palawan lamang matatagpuan.

Ayon kay Provincial Agriculturist Dr. Romeo Cabungcal, layunin ng aktibidad na maipaalam sa mga mamamayan na sagana ang lalawigan sa iba't-ibang prutas gayundin upang matulungan ang mga magsasaka sa pagbebenta ng kanilang mga dekalidad at organikong mga produkto sa tamang presyo.

“Bakit tayo nagkaroon ng festival of Palawan fruits? Kasi nakita natin na sobrang naging abundant ang ating mga fruits more particularly sa southern Palawan. Nakita natin sa ating pag-iikot ang mga seasoned fruits na tanim ng ating mga magsasaka, gayundin ang mga endemic fruits which is endemic sa atin na ibinibenta ng ating mga kapatid na katutubo. Kaya ang programang ito ay nais nating ipaalam na we have abundant fruits in Palawan,” pahayag ni Dr. Cabungcal.

Sabi pa ni Dr. Cabungcal, kaakibat din ng programa na matulungan at maitaas ang nutrisyon sa lalawigan.

Nakiisa rin si Department of Agriculture (DA) Mimaropa Regional Executive Director Engr. Ma. Christine C. Inting sa aktibidad. Sa kanyang mensahe, pinuri nito ang Office of the Provincial Agriculturist sa paglulunsad ng nasabing proyekto na kauna-unahan din aniya sa buong rehiyon ng Mimaropa.

Ang Palau Manok at Palau Baboy ay isa lamang sa mga endemic fruits sa lalawigan ng Palawan. (Orlan C. Jabagat/PIa-Palawan)

“This is the first time na nagkaroon tayo ng festival event sa Palawan. Actually, this is the first time po sa Mimaropa na nagkaroon po tayo ng festival of fruits ngayon lang po dito sa Palawan. So, congratulations po. In behalf po of our President and at the same time Secretary of Department of Agriculture, ito po ay isa sa mandato ng ating secretary na pataasin po ang produksyon hindi lamang ng palay at mais pero pati po sa ating mga high value commercial crops lalong lalo na nitong ating mga prutas," saad ni Inting.

Katuwang ng Office of the Provincial Agriculturist sa aktibidad na ito ang Palawan Tarabidan Multi-Purpose Cooperative, isang Kadiwa Mimaropa official outlet.

“Marami kayong prutas, marami kayong kakaibang produkto, sana i-support po natin, palagi po natin siyang ipromote. Hindi lamang po sa mga munisipyo pero i-try po talagang nating dalhin dito po sa ating mga Kadiwa outlets para marami po ang makakilala sa mga ito,” dagdag na pahayag ni Inting.

Tiniyak din nito na ang DA ay sumusuporta pagdating sa pag-a-agrikultura sa lahat ng probinsiya sa Mimaropa lalong-lalo na sa Palawan.

Ipinagmalaki naman sa nasabing festival ang mga prutas na sa Palawan lamang matatagpuan tulad ng Tabo, Badak, Mararing, Maraitum, Tampoy, Manti, Palau Manok, Palau Baboy at iba pa. Maging ang mga napapanahong prutas tulad ng lanzones, rambutan, durian, dragon fruit, saging at marami pang iba. (OCJ/PIA Mimaropa - Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch