No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

NAPOLCOM nagsagawa ng outreach program ngayong Nat’l Crime Prevention Week

Ayon kay Atty. Leilani Vecina, assistant regional director ng NAPOLCOM Region 1,  ang outreach program ay isang paraan para maipadama ng ahensya ang kanilang presensya, tulong, at malasakit sa mamamayan sa simpleng pamamaraan
 
“Alam ko naman po na hindi ganoon kadali ‘yong sitwasyon nila. The same way sa atin parang isang araw lang naman ‘yong ginagawa natin na ganito, which is annually done naman pero sa kanila it’s more of every day. I hope na itong simple na mai-e-extend natin na tulong sa kanila kahit papaano, makadagdag ito sa saya na mararamdaman nila,” ani Vecina
 
Siniguro rin nito sa mga benepisyaryo na ipagpapatuloy ang suporta sa gobyerno upang maiwasan at matuldukan ang mga problema dulot ng iligal na droga, kriminalidad, terorismo, insurhensiya at lalong lalo na ang karapatang pantao.

Masayang tinanggap ng isang senior citizen ang regalong handog ng Rotary Club Metro San Fernando. (KJCR Photo)

Bahagi ng outreach program ang pagsasagawa ng gift-giving activity, medical and dental mission, at feeding program para sa 15 na bata sa naturang barangay.
 
Namigay din ng food packs ang DSWD at Rotary Club Metro San Fernando sa humigit kumulang na 30 pamilya.
 
Sa pagpapatuloy ng kanilang programang Oplan Balik Eskwela, nagbigay din ng saya ang PRO1 sa mga bata sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga laruan, tsinelas, at mga gamit pang-eskwela. 
 
Bukod dito ay ang pagbibigay ng libreng gupit para sa mga benepisyaryo.
 
Nagkaroon din ng lektyur tungkol sa Anti-Red Tape Law at Anti-Violence Against Women and Children. 

Nagbigay ng libreng gupit ang Police Regional Office 1 para sa mga benepisyaryo sa Barangay Amontoc, San Gabriel, La Union. (KJCR Photo)


Sa kanyang mensahe, nagpasalamat si San Gabriel Municipal Mayor Lany Carbonell sa serbisyo at presensya ng mga ahensya ng gobyerno para sa mamamayan ng nasabing bayan.
 
"Nag-uumapaw po ang aking puso sa saya dahil sa kabila ng mahaba-habang oras na biyahe ay narito po kayo ngayon, naghahatid ng saya rito sa aming minamahal na San Gabriel. Nawa'y hindi po kayo magsawa sa pagtulong sa nangangailangan," ani Carbonell.
 
Samantala, taos puso ang pasasalamat ni Lolinet Bang-utan, isa sa mga benepisyaryo, sa natanggap niyang  biyaya. 
 
“Sobrang saya po namin kasi masyadong malaking tulong na po ito sa amin pati po sa pamilya namin,” ani Bang-utan.
 

Taos-puso ang pasasalamat ni San Gabriel Municipal Mayor Lany Carbonell sa serbisyong ibinigay ng NAPOLCOM at ibang ahensya ng gobyerno sa 30 pamilya sa Barangay Amontoc, San Gabriel, La Union. (RMN Photo)

Patuloy naman ang NAPOLCOM sa paghahatid ng de-kalidad na serbisyo lalong lalo na sa geographically isolated and disadvantage areas upang mas mapalakas pa ang ugnayan at matulungan ang mamamayan na lubos na nangangailangan. (JCR/AMB/KJCR, PIA La Union)

About the Author

Kathlene Joyce Ramones

Writer

Region 1

Feedback / Comment

Get in touch