Mag-uumpisa na ang operasyon ng Multi-Commodity Processing Center (MCPC) sa loob ng Nueva Vizcaya Agricultural Terminal (NVAT) sa Bambang, Nueva Vizcaya. Photo from DTI r2 NV FB Page
BAMBANG, Nueva Vizcaya (PIA) - - Mag-uumpisa na ang operasyon ng Multi-Commodity Processing Center (MCPC) sa loob ng Nueva Vizcaya Agricultural Terminal (NVAT) sa bayang ito.
Ani Gilbert Cumila, NVAT General Manager, kasalukuyan na ang facility testing ng kanilang manggagawa para sa full operation ng nasabing pasilidad sa loob ng NVAT.
“Inaasahan nating makakatulong ito sa mga magsasaka upang mabawasan ang pagkasayang ng kanilang mga produkto at magamit at maibenta bilang processed product gamit ang MCPC,” pahayag ni Cumila.
Ang MCPC na nagkakahalaga ng P51 million ay pinondohan at ipinatayo ng Department of Agriculture (DA) katuwang ang NVAT at provincial government upang matulungan ang mga magsasaka ng gulay at prutas, partikular ang pagtatapon sa mga ito sa panahon na sobra sobra ang produksyon o ani.
Dahil sa MCPC, maipoproseso ang mga sobrang prutas at gulay para maibenta ito sa mga consumer at pagkakakitaan ng mga magsasaka.
Kamakailan lamang, bumisita ang pangkat ng DA sa nasabing pasilidad na pinangunahan ni DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban.
Nagpahayag ng kagalakan si Domingo dahil sa nakita niyang testing operation ng pasilidad at umaasa siyang magbibigay ito ng kinakailangang tulong sa mga magsasaka sa lalawigan. (OTB/BME/PIA NVizcaya)