Maayos na sumusunod sa itinalagang Rice Price Ceiling ang mga rice retailers sa lambak ng Cagayan, ayon sa mga opisyal ng Department of Agriculture (DA). Photo from DA Region 2 FB Page
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya (PIA) - - Maayos na sumusunod sa itinalagang Rice Price Ceiling ang mga rice retailer sa Lambak ng Cagayan, ayon sa mga opisyal ng Department of Agriculture (DA).
Ayon kay DA Regional Executive Director Rose Mary Aquino, ang pagsunod ng mga rice retailer sa ibinabang kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ay nalaman batay sa isinasagawang monitoring activities ng kanilang mga Bantay Presyo Taks Force sa iba’t-ibang probinsiya ng Cagayan Valley.
“Batay sa monitoring report ng ating mga Bantay Presyo Task Forces, sumusunod ang mga rice retailer sa rehiyon sa ibinabang kautusan ng ating Pangulo at patuloy ang ating paghimok sa ibang negosyante ng bigas na tumalima sa nasabing Rice Price Ceiling,” pahayag ni Aquino.
Batay sa Executive Order No. 39. na ibinaba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr, noong Setyembre 5, 2023, ang price ceiling ay mananatili sa P41.00 kada kilo ang Regular Milled at P45.00 naman sa Well-Milled na bigas.
Dala ng EO 39 ang kaparusahan sa paglabag sa Republic Act No. 7581, Price Act o Executive Order No. 39 ay pagkakakulong ng lima hanggang 15 taon at may kaakibat na multa.
Kasama sa Bantay Presyo Task Force ang mga ibang ahensiya ng pamahalaan gaya ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP) at mga lokal na pamahalaan sa munisipiyo, siyudad at probinsiya. (OTB/BME/PIA NVizcaya)