No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

19 na armas mula sa mga sumukong rebelde sa Mimaropa, winasak ng kapulisan

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) –-- “Nasamsam namin ang 19 na iba’t-ibang uri ng armas mula sa mga rebeldeng sumuko sa buong rehiyon na karamihan ay katutubong Mangyan,” ito ang pahayag ni Police Regional Office Director, BGen. Joel Doria sa isinagawang ‘Demilitarization of 19 assorted firearms from Former Rebels (FR) and Militia ng Bayan (MB)’ na isinagawa sa Camp Efigenio C. Navarro sa lungsod na ito noong Setyembre 11.

Ayon kay Doria, ang mga armas ay kinabibilangan ng M-16 na riple, shotgun, improvised firearm at kalibre 45 na baril, ang tanging dumaan lamang sa proseso tulad ng pag-inspeksiyon o kung may kaukulang mga papeles ang mga ito upang matukoy kung galing ba sa pamahalaan, ginamit din sa krimen o ginawa lamang.

Iniinspeksiyon ni (kaliwa na may hawak ng armas) PRO Mimaropa Regional Director, PBGen Joel Doria at 203rd Brigade Commander ng Phil. Army, BGen Randolph Cabangbang (kanan may hawak ng baril) ang mga armas na isinuko ng mga rebeldeng nagbalik-loob sa pamahalaan sa isinagawang pagwasak ng mga ito sa Camp Efigenio C Navarro sa Brgy. Suqui sa lungsod ng Calapan kamakailan. (Larawan kuha ni Dennis Nebrejo/PIA Mimaropa-OrMin)

Matapos wasakin at sirain ang mga nasabing armas ay agad itong ibabalik sa punong himpilan ng pulisya sa Kampo Crame sa lungsod ng Quezon upang hindi na magamit pa ang ibang piyesa. Samantala, mayroon pang nasa humigit-kumulang 70 armas ang hindi pa naipoproseso na mga dokumento na galing pa rin sa mga sumukong rebelde ang nakatakda ring wasakin sa mga susunod na araw.

Dumalo rin sa nasabing aktibidad si 203rd Infantry ‘Bantay Kapayapaan’ Brigade Commander, BGen. Randolph Cabangbang ng Philippine Army at si Department of the Interior and Local Government (DILG) Provincial Director Ma. Victoria Del Rosario upang saksihan ang pagwasak sa mga nakumpiskang armas.

Ayon kay Cabangbang, “Bagamat wala na sa 100 ang bilang ng mga rebeldeng grupo sa buong isla ng Mindoro ay patuloy pa rin ang aming ginagawang monitoring sa mga baybayin dahil iyon lamang ang maaari nilang daanan na karamihan sa kanila ay nagmula pa sa ibang lalawigan. Nagpapasalamat pa rin kami sa ating mga kababayan na agad ipinapaalam sa kanilang punong barangay o sa pulisya kung may mga bagong mukha silang nakikita sa kanilang lugar.”

Panawagan pa ni Cabangbang sa mga rebelde na nais sumuko, bukas ang mga himpilan ng sundalo at pulisya sa buong rehiyon para sa kanilang mapayapang pagsuko.


Dagdag pa ni Cabangbang na handa silang kalingain ang mga susukong rebelede upang matamasa ang magandang buhay kasama ang kanilang mga pamilya at mabigyan ng pagkakataong magbagong buhay sa pamamagitan ng mga benepisyo na inilaan sa kanilang ng pamahalaan sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).

Ang E-CLIP ay programa ng pamahalaan na naglalayong tulungan ang mga kasapi ng CPP-NPA-NDF at Militia ng Bayan na nais magbalik-loob sa pamahalaan at pamayanan, upang makapiling muli ang kanilang pamilya na sa pamamagitan din nito ay mabibigyan sila ng iba’t-ibang tulong, kaalaman, at kasanayan na magagamit sa pagbabagong buhay. Ang tulong na ito ng gobyerno ay ay hindi lamang sa kanilang kapakanan kundi pati na rin sa kanilang pamilya at komunidad. (DN/PIA Mimaropa - Oriental Mindoro)

About the Author

Dennis Nebrejo

Writer

Region 4B

Public Information Assistant

Philippine Information Agency

2nd Flr. George Teng Bldg., JP Rizal St., cor. Gozar St., Brgy. Camilmil Calapan City

Email : dennis.nebrejo@pia.gov.ph

Feedback / Comment

Get in touch