No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mga Odionganon, hinihikayat na mag-segregate ng mga basura

ODIONGAN, Romblon (PIA) -- Ngayong National Clean-Up Month, hinihikayat ng Municipal Environment & Natural Resources Office ng Odiongan ang mga residente ng bayang ito na sumunod sa tamang pag-segregate ng mga basura bago ipatapon sa mga dump trucks.

Sa Kapihan sa PIA Romblon nitong Martes, sinabi ni MENRO Ramer Ramos na patuloy ang kanilang kampanya para mabawasan na ang mga basura umano dito sa bayan.

"Sa projection during our waste analysis and characterization study, yung buhay ng ating landfill kung walang mangyayaring waste reduction or diversion, yung 10 years na projection natin ay magiging limang taon at baka isara na yung ating landfill," pahayag ni Ramos.

Ayon kay Ramos, ang pagkakaroon ng tamang segregation ng mga basura ay makakatulong sa mga proyekto ng lokal na pamahalaan ng Odiongan kagaya ng pag-shred sa mga plastics para maging bricks at ang paggawa ng vermicomposting fertilizer mula sa mga basurang puwedeng maging pataba. Dagdag ni Ramos, sa tulong umano ng ganitong mga programa ay mababawasan ang mga maitatambak na basura sa landfill.

Kung noon umano ay nasa 10kg lamang ng basura kada-barangay ang dumadaan sa waste diversion, ngayon umano ay umaabot na sa halos 25kg bawat barangay. Sinabi ni Ramos na nagpapakita ito na nalalaman na ng mga tao ang kahalagahan ng waste segregation at ang mga waste management program ng lokal na pamahalaan.

Target rin ni Ramos na mas higpitan pa ang pagpapatupad sa environmental code ng munisipyo kung saan nakasaad ang iba't ibang batas kagaya ng pagbabawal sa pagkakalat sa lansangan, pagbabawal sa paggamit ng plastic, at iba pa.

"Na reduce na rin natin yung plastic [simula nang ipagbawal sa Odiongan ang mga plastic sando bags]. Ngayon, yung mga sachets, mga plastic na balot ng online shoppings, mga balot ng instant noodles, yan nalang yung madalas na itinatapon," pahayag pa ni Ramos. (PJF/PIA Mimaropa - Romblon)

About the Author

Paul Jaysent Fos

Writer

Region 4B

Information Center Manager of Philippine Information Agency - Romblon

Feedback / Comment

Get in touch