LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) – Ipinanawagan ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) ang kooperasyon ng lahat hinggil sa mga ipinaiiral na kaayusan para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023.
Ito ang mensahe ni NEPPO Provincial Director Police Colonel Richard Caballero sa idinaos na Unity Walk, Inter-Faith Prayer Rally, Candidates Forum, at Peace Covenant Signing na may kaugnayan sa halalan sa Oktubre.
Pahayag ni Caballero, tuwing sasapit ang panahon ng eleksyon ay ginagawa ang ganitong programa upang maipakita ang pagkakaisa ng mga kumakandidato na naghahangad maglingkod sa bayan.
Sana ang lahat aniya ay maging responsable at ehemplo na sumusunod sa mga ipinatutupad na kautusan ng pamahalaan tungo sa pagdaraos ng malinis, maayos, at mapayapang eleksyon sa bawat barangay na nasasakupang ng lalawigan.
Kaugnay nito ay ibinahagi ni Caballero ang mga kasakuluyang hakbang ng hanay sa pagbabantay kaayusan ngayong panahon ng halalan tulad ang paglalatag ng mga strategic checkpoint sa iba’t ibang bahagi ng Nueva Ecija.
Bukod pa rito ang regular na pakikipag-ugnayan ng pulisya sa mga komunidad upang malaman ang mga kasalukuyang usapin na kinakailangang mabigyang linaw o solusyon.
Kaniyang panawagan ay agad at direktang idulog ang mga isyu o anumang bagay na kung saan maaaring makatulong ang mga kapulisan.
Ibinalita ni Caballero na sa kasalukuyan ay wala pang naitatalang anumang insidente sa lalawigan na may kinalaman sa eleksyon, gayunpaman ay umabot na sa humigit 20 indibidwal ang nahuling lumabag sa gun ban.
Bilang pagtalima naman sa kautusan ng national at regional headquarters ng pulisya ay humigit 100 personnel ng NEPPO, na mayroong kamag-anak na kumakandidato ngayong eleksyon ang pansamantalang inilipat ng ibang istasyon.
Layunin nito na masiguro ang patas na pagdaraos ng BSKE at matiyak na hindi magkakaroon ng impluwensiya ang sinumang miyembro ng hanay sa magiging resulta ng halalan.
Samantala, tinitiyak ni Caballero na kahit panahon ng eleksyon ay mananatiling prayoridad ng NEPPO ang pagsasagawa ng mga operasyon kontra krimen upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng publiko.
Ang buong pwersa ng kapulisan aniya ay idine-deploy ng tama ayon sa sitwasyon o pangangailangan ng probinsiya, kasama na rito ang pagsasaayos sa traffic situation, peace and order, at public safety concern na patuloy tinututukan ng hanay.
Katuwang ng NEPPO sa pagdaraos ng Unity Walk, Inter-Faith Prayer Rally, Candidates Forum, at Peace Covenant Signing ang Commission on Elections, Department of the Interior and Local Government, Philippine Army, Department of Education at Parish Pastoral Council for Responsible Voting. (CLJD/CCN-PIA 3)