LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- Isinusulong ni Senate President Pro-Tempore Loren Legarda na manatiling tinig ng mamamayan ang mga naging ambag ng Kongreso ng Malolos sa kasalukuyan at nagbabagong panahon.
Iyan ang sentro ng mensahe ng mambabatas nang pangunahan niya ang pagdiriwang ng Ika-125 Taong Anibersaryo ng Pagbubukas ng Sesyon ng Kongreso ng Malolos sa simbahan ng Barasoain.
Ipinaliwanag ni Legarda na hindi maikakaila na nanatiling modelo at batayan sa pagbalangkas at pagpapatibay ng mga kasalukuyang batas ng Kongreso ngayon ang mga naiambag ng Kongreso ng Malolos sa kanilang mga sesyon sa Barasoain mula Setyembre 15, 1898 hanggang Enero 21,1899.
Kaya’t makatwiran aniya na kung narinig ng mga delegado ng Kongreso ng Malolos noon ang tinig ng mga Pilipino, dapat ding patuloy na iparinig ng kasalukuyang henerasyon ng mga mamamayan ang kanilang tinig sa pamamagitan ng aktibong pakikiisa sa kongreso ngayon.
Inisa-isa ng senador kung paano nag-uugnay ang Kongreso ng Malolos sa panahon na ito tulad ng pagkakaroon ng tatlong sangay ng pamahalaan gaya ng Ehekutibo, Lehislatura at Hudikatura.
Dahil aniya rito, hanggang ngayon ay buhay na buhay ang pakikiisa ng mga mamamayan sa paglahok sa halalan upang makapagluklok ng pangulo at pangalawang pangulo sa sangay ehekutibo, mga kinatawan sa Mababang Kapulungan at sa Senado na siyang Mataas na Kapulungan ng Kongreso, na pawang nasa ilalim ng sangay lehislatura.
Inilala rin ni Legarda na sa bisa rin ng pagpapatibay ng Kongreso ng Malolos, naitatag ang Universidad Literaria de Filipinas sa kumbento ng simbahan ng Barasoain noong Oktubre 19, 1898. Ito ang unang pamantasan na naitatag sa ilalim ng Unang Republika ng Pilipinas.
Sinabi pa ni Senadora Legarda na bukod sa pagtatatag ng mga state universities and colleges, may kakayahan na ang kongreso ngayon na mailibre ang matrikula ng mga nasa kolehiyo sa bisa ng Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Isa aniyang malaking halimbawa ito sa tagumpay na napakinggan ng Kongreso ang tinig ng mga mamamayan.
Kaugnay nito, sa Kongreso ng Malolos pa rin unang natutunan ng mga Pilipinong nanunungkulan sa pamahalaan ang pagpapasa ng isang pambansang badyet upang mapondohan ang bagong tatag na republika.
Base sa mga batayang pangkasaysayan ng National Historical Commission of the Philippines, Oktubre ng 1898 nang pagtibayin ng Kongreso ng Malolos ang unang floating domestic loan na nagkakahalaga ng P20 milyon na pwedeng bayaran sa loob ng 40 taon. Ito ang magpopondo sa operasyon ng Unang Republika.
Nangyari ito isang buwan ang nakalipas matapos namang ratipikahan ng Kongreso ng Malolos noong Setyembre 29, 1898 ang proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898.
Kalakip na nito ang pagkakaloob ng mga pangunahing karapatan gaya ng makapag-aral, makaboto o maiboto, makapag-ari, makapagpahayag ng saloobin, makapili ng relihiyon at iba pang karapatang sibil.
Samantala, sinabi ni Bise Gobernador Alexis Castro na nasa kamay ng kasalukuyang henerasyon ng mga Pilipino ang ikalalakas ng republika.
Kung ito aniya ay magagamit sa tama gaya ng pag-aaral nang mabuti, masusuklian ang ipinaglaban noon na maging isang karapatan ang edukasyon.
Para naman kay Malolos City Mayor Christian Natividad, ang dedikasyon ng mga namumuno sa sinumpaang tungkulin ang maghuhubog upang tunay mapakinggan ang boses ng mga mamamayan na nagbigay sa kanila ng kapangyarihang makapamahala. (CLJD/SFV-PIA 3)