No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Rice retailers sa OccMdo, tumanggap ng livelihood grant

Bago ang pamamahagi, pahapyaw munang ipinaliwanag ng DSWD ang igagawad na livelihood grant sa ilalim ng EO 39 gayundin ang proseso ng pagkakaloob nito. Larawan sa itaas ay mula sa DSWD Mimaropa. (PIA OccMdo)

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Tumanggap ng P15,000 na economic relief subsidy ang bawat isang rice retailer sa probinsya na tumalima sa Executive Order (EO) No. 39 o kautusang nagpapataw ng price ceiling sa bigas noong Setyembre 14.

Pinangunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Trade and Industry (DTI) ang pamamahagi ng cash grant sa mga nagbebenta ng bigas mula sa mga bayan ng San Jose, Mamburao, Sablayan, Calintaan at Sta Cruz.

Ayon kay Ronaldo Meneses ng DSWD-Sustainable Livelihood Program (SLP) Mimaropa, maituturing na pasasalamat ng pamahalaan ang iginawad na ayuda. Aniya, dahil sa pagsunod ng mga rice retailer sa kautusan ng Pangulo, may mabibilhan nang murang bigas ang mga mamamayan.

Ayon sa isang lokal na rice retailer, malaking tulong ang livelihood grant upang mabawi nila ang kanilang lugi bunsod ng pagsunod sa price cap. Nakuha aniya nila sa mataas na presyo ang panindang bigas, subalit obligado silang ibenta ito ng P41 kada kilo (regular-milled) at P45 kada kilo (well-milled) na itinatakda ng EO 39. Dagdag ng rice retailer, umaasa siya na makatutulong ang papalapit na anihan upang bumaba ang presyo ng bigas.

Sa Kapihan sa PIA kamakailan, ipinaliwanag ni DTI Provincial Director Noel Flores na ipinatupad ang EO 39 sa layuning pigilan ang abnormal na pagtaas ng presyo ng bigas sa bansa. “Ayon sa ating gobyerno, sapat ang suplay ng bigas sa bansa kung kaya’t hindi tama na tumaas ang presyo nito, unless may nagmamanipula,” saad ni Flores.

Dagdag pa ni Flores na dahil ang regular at well-milled rice ang mga uri ng bigas na karaniwang kinukonsumo ng masang Pilipino, ang mga ito ang dapat matiyak na ibinebenta sa abot-kayang presyo.

Kaugnay nito, nanawagan ang opisyal sa mga rice retailers na tumanggap ng grant na patuloy na tumulong sa pamahalaan at magbenta ng bigas ng naaayon sa price cap. Magpapatuloy din aniya ang DTI sa kanilang monitoring at pagpapakalat ng impormasyon kaugnay ng EO 39. (VND/PIA MIMAROPA - Occidental Mindoro)


Larawan sa pinakataas mula sa DSWD

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch