LUCENA CITY (PIA) — Inilunsad kamakailan ng pamahalaang lungsod ng Lucena ang 911 emergency hotline para tumanggap ng tawag sa mga nangangailan ng tulong o anumang emergency.
Ayon kay Lucena City Mayor Mark Alcala, ang Emergency 911 na pamamahalaan ng Lucena City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) ay tutugon sa mga tawag ng mga residente sa panahon oras ng emergency.
Pormal na ipinagkaloob ng 911 National Office sa ilalim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong ika-12 ng Setyembre ang ‘Go Live Certificate’ hudyat ng activation ng Emergency 911 sa lungsod. Sang-ayon ito sa Executive Order (EO) 56 ni dating Pangulo Rodrigo Duterte na nag-aatas sa paggamit ng 911 bilang nationwide emergency hotline number.
Kaakibat ng Emergency 911 ang isang state-of-the art command center ang nilagyan ng computer-aided dispatch system, telephony system, at integrated radio communication protocols. Lahat ng tawag sa nationwide emergency hotline 911 na magmumula sa Lucena City ay direktang mapupunta sa Lucena City command center na siyang mamamahala sa pag-dispatch ng mga responders.
Sa idinaos na Kapihan sa PIA Quezon noong Setyembre 13, sinabi ni Janet Gendrano, Lucena City Disaster Risk Reduction and Management Officer, na may partisipasyon sa programa ang mga barangay emergency response team sa mga barangay na binubuo ng 10 katao na siyang agarang tutulong sa oras ng pangangailangan.
“May mga trained volunteers din po tayo na kasama sa ating programa bukod pa ang mga deputized government agencies kagaya ng Bureau of Fire Protection (BFP) na agarang tutulong 24 oras sa oras ng pangangailangan,” ani Gendrano
Ipinaliwanag din ni Gendrano na maaaring ma-access ng mga residente ang Emergency 911 sa pamamagitan ng landline o mobile phone, gayundin sa kanilang citizen app. Binigyang diin nito na libre ang pagtagawag sa Emergency 911 kahit na wala aniyang load.
Nagbigay din ito ng babala sa mga prank callers na maaari aniyang ma-trace gamit ang kanilang citizen app, kung saan kailangang magpa-rehistro, magbigay ng government-issued ID at sumailalim sa isang facial verification.
Samantala, pinapurihan naman ni Office of Civil Defense Calabarzon Regional Director Eduardo Alvarez III na siya ring tumatayong chairperson ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) ang inisyatibo ng pamahalaang Lucena.
Ayon kay Alvarez, patunay ang Emergency 911 ng adhikain ng pamahalaang lungsod na maging isang 'smart at disaster-resilient' ang Lucena City. (Ruel Orinday-PIA Quezon)