LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Nakipagpulong ang tanggapan ng Social Security System (SSS) sa mga opisyales ng barangay sa lungsod para sa paglulunsad ng kanilang ‘E-Center sa Barangay Program’ na siyang makakatulong para magpadali ang mga pagbibigay ng mga impormasyon ng mga kasapi na isinagawa sa Barangay Hall ng Bayanan 2 sa lungsod na ito noong Setyembre 18.
Isa ang Bayanan 2 sa binisita ni SSS Calapan Branch CEO II Redentor Imperial upang makipagpulong kay Barangay Chairperson Ma. Virginia Garcia at sa Sangguniang Barangay para sa napipintong paglulunsad ng naturang programa.
“Layunin ng SSS ang mailapit sa aming mga kasapi na residente ng barangay ang aming serbisyo para hindi na kailangan pang pumunta sa aming tanggapan na kung saan tuturuan namin ang isang kawani ng barangay na mabuksan ang aming website para alamin ang kanilang SSS number (sakaling nalimutan), buwang kontribusyon, aplikasyon sa loan, kung paano maging kasapi, at iba pa,” ayon kay Imperial.
Kapag maayos na ang lahat para sa pagpapatupad ng E-Center sa barangay, lalagda ang magkabilang panig sa Memorandum of Agreement (MOA) na siyang nagpapahintulot sa SSS na magsagawa ng oryentasyon, pagsasanay at hands-on tutorial sa itatalagang tauhan na may kaalaman sa Information Technology (IT) na siyang magtatrabaho sa E-Center.
Gayunman, ang SSS pa rin ang siyang magbibigay ng mga feedback, referrals at mga tanong mula sa iba’t-ibang kinatawan ng mga katuwang na tanggapan.
Sa kabilang dako, ang mga kalahok na lokal na pamahalaan at barangay ay inaasahan na lilikha ng E-Center sa bawat barangay na may sapat na IT logistics at babantayan ng mga mapagkakatiwalaang kawani.
Maliban sa Brgy. Bayanan 2 ay napuntahan na rin ng SSS ang mga barangay ng Masipit, Bulusan, Personas, Sta. Isabel at iba pa, para sa ipapatupad na E-Center. (DN/PIA Mimaropa-OrMin)