No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

HPV School-Based Immunization Program, inilunsad sa Puerto Princesa

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) -- Inilunsad sa lungsod ang Human Papilloma Virus (HPV) School-based Immunization Program na tinaguriang ‘Sa Aking Paglaki Walang HPV’ nitong Setyembre 20.

Isinagawa ito sa Palawan National High School (PNS) sa pamamagitan ng isang sama-samang pagsisikap ng Department of Health-Center for Health Development (DOH-CHD) Mimaropa, Department of Education (DepEd) Puerto Princesa Schools Division, at ng Lokal na Pamahalaan ng lungsod, sa pakikipagtulungan ng healthcare company sa Pilipinas na Merck Sharp & Dohme (MSD).

Layunin nito na mapangalagaan ang mga kabataang babae mula sa HPV upang ang mga ito ay hindi magkaroon ng iba’t ibang sakit tulad ng cervical cancer.

Ayon kay Dr. Catherine Rose Dela Rosa, target ng programa na mabakunahan ang nasa 3,000 mga kabataang babaeng mag-aaral sa iba’t ibang paaralan sa Puerto Princesa. (Larawang kuha ni Orlan Jabagat)

Ayon kay Dr. Catherine Rose Dela Rosa, Medical Officer III ng DOH-CHD Mimaropa, target ng programang ito na mabakunahan ang nasa 3,000 mga kabataang babaeng mag-aaral sa iba’t-ibang paaralan sa lungsod na may edad 9-14 taong gulang upang labanan ang mga impeksyon ng HPV.

Sinabi rin nito na 2020 pa unang inilunsad ang programang ito sa lungsod ngunit ito ay community-based at ngayong taon lamang ito naipasok bilang school-based.

Ayon kay Dr. Dela Rosa, noong taong 2006 pa nailunsad ang bakuna sa HVP at masasabing ito ay napaka-epektibo.

Dalawang turok ng bakuna ang ibibigay sa bawat recipient nito na may pagitan na anim na buwan kung kaya’t pinaglaanan ito ng DOH ng 6,000 doses ng HPV vaccine para sa Lungsod ng Puerto Princesa.

Ayon pa kay Dr. Dela Rosa, mainit ang pagtanggap ng Department of Education (DepEd) sa programang ito at isasagawa ito sa mga school health clinics. Aayusin lamang aniya ang scheduling o time frame nito upang hindi naman makasagabal sa pag-aaral ng mga bata.

Ang mga bata namang babakunahan ay kinakailangan na may pahintulot ng mga magulang o kaya ay mga malapit na kamak-anak.

Inaasahan naman ng DOH-CHD Mimaropa na sana ay mabakunahan ang 3,000 target nito sa loob ng isang buwan, simula ng mailunsad itong HVP School-based Immunization Program. (OCJ/PIA MIMAROPA - Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch